Pulis

“TIME OUT muna sa batikos!” Mukhang ito ang ipinupunto ni Supt. Aldrin Gran ng Manila Police District-Central Market Police Station 3 nang singhalan ang reporter/columnist na si Alex Balcoba noong umaga nang mamigay ng P10k bunos este presentation ng mga recovered carnapped vehicles si Manila mayor Joseph Estrada sa MPD Headquarters dahil puro pulis na lamang ang balita sa araw-araw, hehehe! Kasi nga sa halip na sagutin ni Gran ang mga katanungan ni Balcoba hinggil sa malaganap na bentahan ng shabu at abortion pills sa paligid ng Quaipo Church, aba’y singhal at paghahamon ng away ang naging tugon nito. Malinaw na ipinakikita lamang ni Gran na isa siyang “small but terrible” official sa hanay ng Philippine National Police na di dapat banatan nino man.

Kasi nga kung napag-isip-isip nito na kaya siya itinalaga sa naturang lugar tiyak na ang tatanim sa kanyang kukuti ay ang maganda niyang track record sa PNP. Ngunit dahil sa inasal niya sa maliliit na reporter na katulad ni Balcoba tiyak na ang iisipin ng kanyang mga kabaro sa Manila’s Finest at Manilenos na pera-pera lamang ang kanyang katapangan. Get n’yo mga suki! Subalit hindi lamang si Gran ang makapal ang apog sa imahe ng PNP dahil sa kasalukuyan ang mga tinutugis ng mga kapulisan ay ang kapwa nila pulis na lumihis ng landas upang matustusan ang mga luho at kapritso. Pulis na sumisira sa kasagraduhan at katapatan ng PNP. 

Katulad na lamang sa nangyari sa MPD-District Anti-Illegal Drugs  na kung saan nasamsam ang may limang kilo ng Shabu, 20 grams ng marijuana, paraphernalias at limpak-limpak na datung sa mga locker nang salakayin ni acting MPD director SSupt. Rolando Nana. Sa halip na mga pusher at drug pushers ang nakakulong sa madidilim na rehas sina SInspt. Totoy Jay Cuden at mga tauhan ang tinatanuran ngayon ng 73 security guards sa loob ng Camp Crame, hehehe! Nahaharap kasi sila sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act. Sa Pasay City naman nakakulong din ang isang PO1 Andrew Nicholas matapos mamukhaan sa CCTV kasama ang isang Mark Edward Santos habang kinakarnap ang matorsiklo.

Nasayang naman ang magandang trabaho ng tatlong pulis Pasay nang pag-interesan nito ang P1-milyon na hinoldap sa isang messenger. Paano kasi itinuga sila nina Alexander Pantoja at Lemuel Camposagrado ang  dalawang holdaper na nahuli. Ang masakit pa nito tahasang pinalandakan ni Camposagrado na ang 9MM Glock 17 pistol na ginamit niya sa panghuholdap ay kay PO1 Ronald Villanueva na naging ugat naman upang makilala pa ang dalawang pulis na sina Alas Soliman at PO2 Mark Maguera kaya ang resulta, naghihimas na rin sila ng malamig na rehas na bakal. Sa Las Pinas City naman hindi rin nakaligtas ang isang PO3 Magdaleo Pacia matapos matimbog ito sa pag-iingat ng granada, baril at bala. Ngayon mo uriin at basihan Supt. Gran dapat bang sisisihin at benggahin ang media sa mga simpleng na napupuna sa hanay n’yo sa PNP.

Abangan!

Show comments