Pinagbayaran ang panggagahasa

SI Rita, bagamat 15-anyos na, ang kapasidad ng kanyang pag-iisip ay sa isang 7-anyos na bata. Nakatira siya sa isang malayong barangay kasama ang kanyang Lola Marta.

Noong 1995, napansin ni Marta na buntis si Rita. Nagalit si Marta at inusisa kung ano ang nangyari kay Rita. Sinabi ni Rita na tatlong beses siyang ginahasa. Nagreklamo si Marta sa Barangay Kagawad.

Unang tinawag ng kagawad si Obet, pero sabi ni Rita, hindi ito ang gumahasa. Sunod na tinawag ang kapatid ni Obet na si Ambo. Hindi rin daw ito ang gumahasa ayon kay Rita. Nang iharap kay Rita ang kapatid nina Obet at Ambo na si Tito, dinuro siya ng dalagita at sinabing ito ang gumahasa sa kanya. Kinasuhan si Tito ng tatlong kaso ng panggagahasa.

Ipinahayag ni Rita na si Tito ang ama ng kanyang anak. Nahihirapan man, nagawang isalaysay at ilarawan ni Rita kung paano siya ginahasa ni Tito. Ginahasa raw siya ni Tito ng tatlong beses sa ilalim ng punong duhat. Sa una at ikalawang panggagahasa, tinutukan daw siya ng gulok ni Tito. Ngunit sa pangatlo, hindi na siya ka­ilangang pilitin ni Tito dahil nagustuhan na niya ang nangyari.

Alibi naman ni Tito, tatlong taon na siyang nagta­trabaho sa isang probinsiya na dalawang oras ang layo mula sa lugar na pinangyarihan ng krimen kaya impo­sibleng siya ang salarin. Dapat ba siyang panagutin sa tatlong kaso ng panggagahasa.

Ayon sa mababang hukuman at Korte Suprema, mahina ang depensa ni Tito at nananaig ang testimonya ng biktima. Hindi imposible ang paratang ni Rita lalo pa at kayang-kaya naman ni Tito na pumunta sa lugar na pinangyarihan ng krimen dahil dalawang oras lang ang layo nito. Ginawa ni Tito  ang panggagahasa at nakuha niyang pasunurin   si Rita dahil ginamit niya ang gulok para takutin  ang da­lagita. Ngunit tungkol na­man sa pangat­­long insi­dente, nararapat bang kasuhan pa rin si Tito ng panggagahasa gayong ipi­nahayag naman ni Rita na nagustuhan niya ito?

Dapat kasuhan si Tito sapagkat ayon sa Korte Suprema, kumpleto ang lahat ng elemento ng kri­men (Article 355 Revised Penal Code). Ang pagkaka­roon ng relasyong sekswal sa isang babaing ang pag-iisip ay mas mababa pa sa isang dose anyos (kahit pa nga gusto niya ito) ay krimen ayon sa ating batas.

Sa kasong ito, pina-walang-sala ng mababang hukuman si Tito sa pa­ngatlong kaso ng pang­gagahasa dahil nagustu-han naman daw ni Rita     ang nangyari. Ngunit ayon  sa Korte Suprema, mali   ang hukuman sa pagpa­pawalang sala kay Tito. Dangan nga lamang at hindi na maaaring balikta-rin pa ang naunang hatol. Mangangahulugan na ito ng paglabag sa mga kara­patan ni Tito sa Saligang Batas na mahigpit na nag­babawal ng ikalawang paglilitis sa isang kasong nadesisyunan na (double jeopardy).

Gayunpaman, napatu­nayang nagkasala pa rin si Tito sa dalawang kaso ng panggagahasa. Pinatawan siya ng parusang reclusion perpetua, inuutusang big-   y­an ng sustento/suporta ang anak ni Rita, pinag­ba­bayad ng P100,000 sa gina­wa niyang panggaga­hasa at P100,000 bilang danyos (People vs. Constan­ tino, G.R. 176069, October 5, 2007).

Show comments