MAY kontrobersiya ngayon sa Department of Health (DOH) kaugnay sa maanomalyang pag-purchase ng bakuna para sa mga bata. Kasalukuyang naka-leave si DOH Sec. Enrique Ona at pinagpapaliwanag ni President Noynoy Aquino. Sangkot din si Assistant Sec. Eric Tayag. Sa halip na PCV-13 ang binili ng DOH, PCV-10 ang kinuha na less effective para sa pneumonia.
Hindi naman sana makaapekto ang nangyaya-ring kontrobersiya sa DOH sa nangyayari ngayong paghahanda para makaiwas ang mamamayan sa lumalaganap na Ebola. Hindi sana maaapektuhan ang pagbibigay ng impormasyon sa mamamayan ukol sa sakit na ito. Kapos sa kaalaman ang nakararaming mamamayan ukol sa Ebola kaya nararapat na maimulat sila upang makaiwas sa sakit. Magkaroon sana nang maigting na kampanya ang DOH kung paano maiiwasan ang Ebola.
Maglagay pa ng advertisement sa mga pahayagan ang DOH ukol sa Ebola para mabigyan ng kaalaman ang mamamayan ukol sa sakit. Mahalaga ito para hindi lumaganap ang sakit.
Ngayong Disyembre ay dadagsa ang magbabakasyong overseas Filipino workers (OFWs) para ipagdiwang sa bansa ang Pasko at Bagong Taon. Nararapat na maging mahigpit ang health authorities sa mga parating na OFWs.
Ang Ebola virus disease ay tinatawag ding Ebola hemorrhagic fever. Maraming bansa sa Africa ang may kaso ng Ebola. Kabilang dito ang Guinea, Sierra Leone, Liberia at Nigeria. Sa report ng World Health Organization (WHO) umabot na sa 3,069 ang kaso ng Ebola ngayong 2014 at mahigit 1,000 na ang namatay. Unang natuklasan ang sakit noong 1976 sa mga bansang Sudan at Congo.
Ang mga sintomas ng Ebola ay lagnat, pananakit ng ulo, tiyan at kalamnan, pagtatae, pagsusuka, pagdurugo at pagkakaroon ng sugat. Hindi naipapasa ang Ebola virus sa pamamagitan ng pakikipagkamay, tubig at hangin. Payo ng mga doctor, inspeksiyunin ang mga karne at lutuing mabuti bago kainin. Laging maghugas ng kamay. Ipinapayo ang pagsusuot ng protective clothing kung makikisalamuha sa mga taong may Ebola.
Tandaan, sapat na kaalaman ukol sa Ebola ay mahalaga para ito maiwasan.