Oplan Kulong

REALIDAD sa buhay ng ating mga opisyal ang pagmamasid ng publiko sa bawat nilang ikinikilos. Kung may nagawang maaring pulaan, hindi lang sa hukuman pupulutin. Depende sa taas ng puwesto at katayugan ng iyong ambisyon, maaring ang hukuman ng pampublikong opinyon ang iyong pansitan. At sa lahat ng “court of public opinion”, ang pinakamataas ay ang Senado.

Sa mga nagtataka kung bakit naging hukuman ang turing sa Senado, kailangan lang panoorin kung paano isinasagawa ang mga legislative investigation. Talo pa ng mga senador ang mga hukom at maging ang mga magkatunggaling abogado sa kanilang mga mapanu-ring katanungan. Maski ang bangis ng mga judge ay hinihigitan pa kapag ang kasagutan sa tanong ay hindi magustuhan. Tanungin kahit sinong mataas na opisyal ng pamahalaan. Kung takot silang mademanda sa korte, mas lalo na silang matakot ma-subpoena sa Senado.

Tama lang naman na maging istrikto ang ating mambabatas sa kanilang pagtatanong dahil bahagi ito ng kanilang sinumpaang katungkulan at kailangan talaga ito upang magkaroon ng batayan ang mga panukala. Subalit dahil sadyang madaling maabuso ang ganitong kapangyarihan, siniguro ng Saligang Batas na may limitasyon ang investigative power na ito. Una ay dapat lamang itong gamitin “in aid of legislation” gaya ng nabanggit. Pangalawa ay obligadong respetuhin ang mga karapatan ng mga taong haharap sa kanila.

Gaano man kaangas ang asta ng ating mga kinatawan sa minsa’y nababastos nang mga testigo, napapatawad natin ito kung kumbinsidong taal ang intensyon upang makakatha ng solusyon para sa ikabubuti nang marami. Ito ang tunay na pagsubok – na ang interes natin at hindi pansariling interes ang pinaiiral.

Sa ganitong pamantayan, dapat pag-isipan ang haya­gang intensyon ni Senador Trillanes. Ipagpapatuloy daw ng Senate Blue Ribbon subcommittee ang kanilang im-bestigasyon na ang target ay ang ipakulong si Vice President Binay.  Kapag ganito na ang pag-unawa ng Senador sa kanyang trabaho sa Senado, patunay ito na hindi na investigation ang nagaganap kung hindi prosecution. At gaano man ka-sinsero ang kanyang intensyon na makamit ang katarungan, lalabas na pag-aksaya na lang ito ng panahon ng Senado at pondo ng taumbayan para gawin ang trabahong nauukol sa ating Ombudsman at sa hukuman.

Show comments