ISA ako sa maraming pumapabor sa pagharap ni Vice President Jojo Binay sa Senado upang ipagtanggol ang sarili sa mga pangit na alegasyon sa kanya. Ito ay hindi dahil sinasangayunan kong tama ang Senado sa isinasagawang walang puknat na hearing kundi dahil ito ang paraan para linisin ang kanyang pangalan, kung sadyang wala siyang sala.
May sariling dahilan si Binay kung bakit ayaw niyang humarap sa Senado at bagamat hindi ko lubos na maunawaan ay iginagalang ko ito. Pero hindi maiiwasan na akalain ng iba na ang pag-iwas niyang ito ay indikasyon na siya ay may sala talaga.
Hindi ko rin lubos na maintindihan kung bakit umatras si Binay sa sarili niyang hamong debate kay Sen. Sonny Trillanes na isa sa mga umuusig sa kanya. Sabi niya, isa siyang abogado at si Trillanes ay hindi. Ayaw umano niyang masabi na matatalo niya si Trillanes dahil bihasa siya sa pakikipagdebate at sa batas.
Para sa ibang tao ay “guilty” na si Binay. Pero sino ba tayo at ano ang karapatan nating humusga na nagkasala nga ang bise Presidente kahit pa may sandamakmak na ebidensya tayong hawak? Hindi natin puwedeng saklawan ang poder ng Korte upang hatulang nagkasala ang sino man kahit pa tayo mismo ay saksi sa ginawang kasalanan. Lahat ay dumaraan sa tinatawag na proseso ng katarungan o due process.
Nakakainis pero talagang bulok ang sistema ng pamahalaan. Puwedeng gawin ng alin mang sangay ng pamahalaan ang gusto kahit pa masagasaan ang due process tulad ng ginagawa ng Senado sa patuloy na pagsisiyasat kay Binay at paglalantad ng mga sinasabing katibayan laban sa kanya. Ito ang tinatawag na “trial by publicity” at dito’y mukhang nahatulan na si Binay.
Kung ibig ng Senado na maging taga-usig o hukuman, dapat magpatibay ng batas kaugnay nito. Na sa mga espesyal na kaso ay maaari itong maging hukom bukod sa mga kaso ng impeachment. Kung magkagayon, hindi ako tututol o sasalansan sa gagawin ng Senado.
Ang palagi kong pinupunto ay hindi kung nagkasala o hindi si Binay dahil iyan ay bagay na nasa pagpapasya at hatol ng kinauukulang Korte. Inuulit ko, hindi trabaho ng Senado ang maging prosecutor at hukom sa mga nagkakasalang opisyal ng gobyerno. If we allow such things to happen in our system (I mean political bickering using legislative privilege) we will never reach a level of maturity as Filipinos.