^

PSN Opinyon

‘Hindi kami magnanakaw!’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ANG TAONG nalalagay sa gusot gagawa ng kahit na anong gusot makaalpas lamang.

“Nagreklamo kami sa NLRC pero binaliktad nila kami. Pinalabas na nangupit kami sa kainan,” pahayag ni Anacel.

Kapwa nagtatrabaho sa Pares Boy Food Express sa Valenzuela sina Anacel Alfeche-21, Carissa Coquia-19 at si Mylene Dabalos, 23 taong gulang bilang kahera at ‘service crew’.

Reklamo nila wala raw silang pahinga dahil bente kwatro oras bukas ang kainan. Sumasahod lang sila ng Php250.00 bawat araw.

Hindi rin daw sila pinapayagang mag ‘sick leave’. Dose oras ang kanilang duty pero walang overtime pay. Stay-in si Anacel kaya’t kahit papaano ay nakakamenos ang bayad sa bahay.

“Madaming pinapatupad na patakaran ang supervisor namin na si Christopher Ancio. Kapag walang hairnet may multang Php50 ganun din din kapag walang uniform at hindi naisulat ang pangalan sa sales report,” salaysay ni Carissa.

Kung konti raw ang kanilang kita sila pa ang napagbubuntungan ng kanilang supervisor. Patulug-tulog lang daw sila kaya walang customer.

Ilang taon din nila itong tiniis hanggat napuno na sila sa ganitong pamamalakad. Nagsadya sila sa National Labor Relations Commission (NLRC).

“Agosto 29, 2014 nang magreklamo kami. Wala sila nung unang patawag. Hindi raw nila natanggap ang subpoena,” ayon kay Carissa.

Nagkaharap na sila noong ika-23 ng Setyembre 2014. May dalang kopya ng CCTV ang kanilang amo na si Shally Capal. Nuon lang din nila nalaman na may kasosyo pala ang amo nila na si Cherry Tee.

Kinausap ng mga ito ang ‘Labor Arbiter’ at ipinakita ang video.

Paliwanag nina Anacel, tuwing umaga wala raw silang pera pansukli sa mga customer kaya’t sarili nilang pera ang ginagamit. Pagkatapos ng duty tsaka na nila kukunin sa kaha ang pera.

Ika-28 ng Setyembre 2014 nang ibalita ni Mylene kina Anacel at Carissa na may natanggap siyang subpoena na kinakasuhan sila ng Qualified Theft.

Sa reklamong salaysay ni Cherry Tee, Setyembre 2, 2014 nalaman niyang hindi papasok sina Anacel at Carissa. Makalipas ang ilang araw nakuha nila ang mga ‘sales collection’ at ‘sales report’ doon nila nalaman na kulang ang benta.

Nakita raw nila sa CCTV na aktong ninanakaw ng dalawa ang benta mula sa kaha. Limang beses umano itong ginawa ng dalawa. Pinadalhan nila ang mga ito ng sulat para pag reportin at makapagpaliwanag ngunit hindi na sila pumasok.

Halagang Php 3,704 umano ang kulang sa benta. Ang kopya ng CCTV ay mula Agosto 29 hanggang Setyembre 2, 2014.

Sa kontra-salaysay nina Anacel at Carissa, matagal na raw silang nagpapaalam na aalis ngunit ayon sa kanilang bisor kailangan daw muna nilang humanap ng kapalit. Wala umanong katotohanan ang mga ibinibintang sa kanila at ito’y para gipitin sila dahil sa reklamo sa NLRC. Hindi nila maiwasan na kung minsan ay hindi nagtutugma dahil nagkakamali sila sa pagsusukli at minsan dun na sila kumukuha ng pagkain.

Nakalagay daw sa kanilang pay slip kung magkano ang kinakaltas sa kanila tuwing magkakaroon ng pagkukulang pagdating ng sweldo. 

“Wala kaming kontrol sa paggawa ng sales report dahil sila ang nagdedeklara. Sumusunod lang kami kung magkano ang ilalagay at babawasin sa sweldo namin. Isusulat sa likod ng inventory report ang perang nire-remit namin,” ayon sa salaysay.

Ang tungkol daw sa ‘notice to explain’ ay naisipan lang ng kanilang amo nang malaman na nagpunta sila sa NLRC.

“Kami ay lumuwas dito sa Maynila para makahanap ng marangal na trabaho at ng makapagbigay tulong at suporta sa pamilya namin sa probinsiya,” salaysay nina Anacel at Carissa.

Sagot naman ni Tee hindi raw totoo na nagsabi sila na sila’y magbibitiw. Wala raw ipinasang ‘resignation letter’. Inaamin nila na ‘below minimum’ ang sahod ng mga ito dahil sila’y BMBE-registered corporation.

Nakasaad daw sa Barangay Micro business (BMBE) Law o RA 9178 na di nila kailangang magbayad ng buwis at magbigay ng minimum wage.

Kung mas nauna raw nilang nakita ang kopya ng CCTV mas makakapagsampa sila ng kaso ng mas maaga.

Noong ika-3 ng Oktubre 2014 nahuli raw si Anacel na hawak ang sales invoices ng Pares Boy. Nang tanungin nila si Anacel sumagot umano ito na gagamitin ito bilang ebidensiya sa reklamong ihahain sa BIR.

Amin ding kinapanayam sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” si Congressman Sherwin Gatchalian ng Valenzuela City at nangako siyang pa-iimbestigahan at papapasyalan niya ang lugar kasama ang kanyang mga tauhan kung matatawag nga itong BMBE.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo nga ang kinukwento nina Anacel sa amin na kumikita ang kainang ito ng halos Php12,000 araw-araw masasabi mo bang ito’y maliit na negosyo lamang?

Nagsimula ang BMBE sa sari-sari store at mga maliliit na negosyo kaya tinatawag na micro-finance, kadalasan ito’y pinatatakbo ng mga miyembro ng pamilya o ilang taga kapitbahay para makadagdag sa kanilang araw-araw na kita. Suriin natin ang Pares Boy, saan ito matatagpuan sa isang commercial area na nagrerenta ng isang commercial space. Sino ang mga nagpapatakbo ang mga trabahador na hindi umano bababa sa anim na tao. Ayon kina Anacel kumikita ito sa buong magdamag ng mahigit sa Php12,000. Aba kung isusuma total mo ang kita nila sa isang buwan maaaring umabot sa pagitan ng Php200,000 at Php300,000. Pwede mo pa rin ba itong matawag itong micro-finance?

Ang tungkol naman sa pagpapasa ng resignation letter nagbibigay ba sila ng kontribusyon sa SSS, PhilHealth at Pag-ibig na kailangan maging istrikto at may resignation letter pa? Minsan magpaalam lang ng maayos okay na bigyan mo lang ng pagkakataon ang iyong employer na makahanap ng kapalit mo.

May CCTV kayo at ilang beses niyo nang nakita na ginagawa nila ito, bakit ngayon lang kayo magsasampa ng kaso? Malinaw na ito’y ‘afterthought’ na resulta ng pagrereklamo nila sa NLRC. Yung sinasabi mo na ngayon niyo lang nakita ay lumang tugtugin na yan.

Malupit ang parusa sa Qualified Theft, maatim ng inyong konsensiya na ipakulong sila ng ganun katagal? Ang pinakamaganda dito parati na­ming sinasabi na kahit dehado ka sa usapan dahil angat ka sa buhay matuto kang magparaan dahil babalik din naman sa ‘yo sa pamamagitan ng ibang biyaya. Ang kalutasan ng problemang ito ay nasa inyong mga kamay. Subalit kapag dumating ang panahon at naipit ang mga ito kami rito sa Calvento Files ay handang tumulong sa mga taong kulang sa kakayanan subalit may paninindigan.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

ANACEL

CARISSA

NILA

RAW

SILA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with