ANG lupang kinaroroonan ng punong simbahan nating mga Kristiyano Katoliko Romano ay ibinigay ng pamilya Laterano noong Nobyembre 9, taon 324 kay Papa Sylvester I na Obispo rin ng Roma noon.
Ito ang tahanan ng Santo Papa. Lumipat ng tahanan ang Papa sa Avignon, Francia noong 1309. Matapos ang pagpapagawa ng Vatican sa Roma, bumalik na ang Papa matapos ang ikalimang Konselyo Ekumenico na inialay kay Hesus na Tagapagligtas at kay San Juan Bautista.
Ang mga pagbasa sa ating pagdiriwang ngayon ay ang pahayag ni Ezekiel na nakita niya ang tubig na nagmumula sa templo at lahat ng lumalapit sa tubig na iyon ay naliligtas at gumagaling sa mga karamdaman. Bayan ng Dakilang Diyos batis Niya’y may tuwang dulot. Magpasalamat tayo sa Diyos Ama na simula ng itatag ng Kanyang Anak na si Hesus ang ating tahanang simbahan. Inilagay ng Diyos ang pundasyon ayon kay Pablo bilang mahusay na tagapagtayo ng gusali na kasama ni Hesus. Tayong mga Kristiyano ang templo ng Diyos at naninirahan sa atin ang Espiritung Banal.
Si Hesus ay nasa templo ng ating buhay na anumang mangyari ay hindi Niya tayo pababayaan. “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Ang Kanyang katawan ay ang ating templo na kumakalinga sa atin tuwina. Inaanyayahan tayo tuwina na igalang at arugain ang ating templo. Ito ang tahanan ng Diyos na kumakalinga sa atin tuwina.
Alagaan ang ating simbahan sa pamamagitan ang lingguhang pagdiriwang. Kaya tayo’y sinisiraan ng ibang relihiyon ay dala ng ating pagpapabaya sa kabanalan ng ating simbahan. Tanong ko lang sa nagbabasa ng aking kolum ngayon, sumimba ka na ba kapatid ngayong Linggo? Pagyamanin ang ating pananampalataya. Huwag tularan ang palagian kong sinasabi na baka ikaw ay miyembro ng KBL na sumisimba lamang tuwing dadalo sa Kasal, Binyag at Libing.
Ezekiel47:1-2, 8-9, 12; Salmo45; 1 Corinto 3:9l-11,16-17 at Jn2:13-22