ANO ang dahilan ng pagkakaroon ng eye bags at pangingitim sa ilalim ng mata? Kadalasan ay dulot ito ng pagpupuyat, kulang sa tulog, sobrang gimmick, paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Dahil dito, nababawasan ang laman (fats) sa ilalim ng mata, nasisira ang mga ugat at nangingitim ang mata.
Para mabawasan ang eye bags, heto ang mga tips:
1. Matulog ng 7-8 oras bawat gabi. Kung hindi makatulog, humiga lang at ipikit ang mata.
2. Magpalamig ng ilang hiwa ng pipino. Ilagay ang pipino sa yelo o refrigerator. Ipikit ang mata at ipatong sa ibabaw ng mata ng 15 minuto. Palitan ang pipino kapag hindi na ito malamig.
3. Puwede ring gumamit ng tea bags. Ilubog ang 2 tea bags sa maligamgam na tubig. Pagkatapos ay palamigin ito sa refrigerator. Ipatong ang tea bags sa mata ng 15 minuto. Ang sangkap na tannin sa tea ay nakatutulong sa pagbabawas ng pamamaga at pangingitim ng mata.
4. Kung nagmamadali, kumuha ng yelo o pinalamig na kutsara at ipatong ito sa eye bags. Gawin ito ng ilang minuto lang habang malamig pa ang kutsara.
5. Uminom ng 8-10 basong tubig bawat araw. Para hindi dehydrated ang katawan.
6. Umiwas sa nakaka-allergy na bagay o pagkain. Puwedeng mamaga ang mata kapag may allergy.
7. Magbawas ng stress at huwag sumimangot. Maging masaya para gumanda at mabawasan ang eye bags. Good luck po.