PARA kay Rep. Toby Tiangco, estilong mafia kung makaasta sina Senador Antonio Trillanes at Alan Peter Cayetano. Iyan din ang impresyon ng ilang nakakahuntahan ko. Sa isang hearing ng kanilang committee kamakailan, bigla na lang pinatayan ng mikropono si Tiangco at ang kapwa niya UNA official na si JV Bautista noong nakaraang linggo. Kulang na lang ay ipakaladkad ng dalawang senador sina Tiangco at Bautista palabas ng Senado.
Anang kumpare kong nag-oobserba sa drama sa Senado, nag-uumapaw na ang pagiging lasing sa kapangyarihan nina Trillanes at Cayetano na malinaw naman na may political agenda na ibagsak si Binay sa pagiging topnotcher sa survey.
Sina Tiangco at Bautista ay inimbita mismo ni Cayetano na dumalo sa naturang pagdinig noong Oct. 8 para bigyan daw ng tsansa ang mga kaalyado ni Binay na magsalita. Ito ang rason kung bakit gigil na gigil si Tiangco. “Walang palabra de honor” si Cayetano, sabi bulalas ni Tiangco.
Kung pinakinggan lang ng komite ang gustong sabihin nina Tiangco at Bautista, e di sana’y nalaman nila na ang dalawa ay binigyan ng awtorisasyon ni Binay para magsalita sa kanya. Ang kaso, agad nag-init ang ulo ni Sen. Trillanes at mukhang natakot naman si Cayetano sa mga pwedeng ilahad ni Tiangco at Bautista sa madla kaya hindi nila pinagsalita ang dalawa.
Naikikintal sa isip ng madla tuloy na mukhang prostituted na ang Senado. Na “gamit na gamit ito nina Cayetano at Trillanes” na sukdulan na ang pangbebengga kay Binay kahit hindi naman tatayo sa korte ang mga ebidensya daw nila. At mukhang nagsisilbing protective umbrella ang Senado ng mga kaalyado ng administrasyon na kahit nasasangkot sa mga iskandalo ay hindi naman iniimbestigahan. Sacred cows e!
Tamang-tama ang dalawang nobela ni Rizal sa nangyayari sa Senado. Kapag kalaban ka sa oposisyon tulad ni Binay, Filibustero ka! Pero kapag sabit ka sa anomalya, Noli Me Tangere o “huwag mo ako salingin” ang treatment sa iyo.
Double standard of justice ang tawag diyan, sabi ng kumpare ko.