Walang ibang laman ang mga balita ngayong araw kundi ang serye ng mga siraan sa pulitiko lalo na sa mga balak tumakbo ngayong darating na 2016. Kung baga nasa destruction mode na silang lahat ngayon ay walang tigil ang tapunan ng kung anong baho pati lababo hinahagis nila sa isa’t-isa.
Ngunit sa kabila ng pagbabatuhan nila ng dumi at putik ay may mga kuwento naman na kapupulutan ng inspirasyon lalo na ang success stories ng ating kapwa Pilipino sa ibang panig ng mundo.
At isa na sa kanila ay si Leony Tan na tubong Davao City at ang pamilya nito ay nagmamay-ari ng Susana Farms dito. Si Leony, nasa kanyang late 50s, ay siyang namamahala ng 800-hectare na orange orchard ng Dizon Farms sa Bakersfield, California.
Saludo ako sa galing ni Leony sa pamamahala ng orange farm dahil ito ay namumunga ng pinakamatamis na oranges sa buong mundo. Walang nikatiting na trace ng acid at oranges ni Leony. Sobrang tamis talaga. At kaya ako proud kay Leony ay dahil sa dedikasyon at determinasyon niya sa pag-alaga ng orange farm na talagang nangangailangan ng espesyal na skills.
At kalapit lang sa kasunod na bayan ng Bakerfield ay ang Delano sa California na taniman naman ng ibang agricultural products gaya ng pistachio, almonds at higit sa lahat ng ubas.
At natuklasan ko sa aking nasabing biyahe kamakailan lang na ang manager ng napakalaking Delano Farms na nagpo-produce ng pagkatamis-tamis na grapes ay isang Pilipino rin, si Edgar Flores na taga-Padada, Davao del Sur.
Napamangha ako sa pinakitang gilas ni Leony at ni Edgar sa larangan ng agrikultura. Natawa nga ako dahil kahit na magkalapit bayan lang silang dalawa ay hindi nila kilala ang isa’t-isa.
Nanatiling napaka-humble ng dalawa, Walang ere at talagang simple pa rin sa pamumuhay nila.
At kung tutuusin ang karamihan halos sa mga tauhan ni Leony at Edgar ay mga Mexicans.
Sana naman mapulutan ng aral at inspirasyon ang buhay nina Leony at Edgar. Talagang saludo ako sa kanilang pagsisikap na kung saan ang tagumpay nila ay nakikita sa world-class oranges at grapes na produkto nila.