UMANO’Y “sinaunang datos kasaysayan” ang batayan ng Beijing sa pag-angkin sa mga isla, bahura, bato, buhangin, at tubig sa South China (West Philippine) Sea. Tanungin kung ano’ng “ datos,” ang ismid ng mga naghaharing Komunista ay “mga sinaunang mapa at dokumento.” Pero wala naman sila maipresenta. Kaya sinaliksik ni Supreme Court Senior Justice Antonio T. Carpio ang 15 mapa ng China na gawa ng mga opisyales o mamamayang Tsino, tatlong mapa ng China na gawa ng mga dayuhan, at 35 mapa ng Pilipinas na gawa ng mga opisyales o mamamayang Pilipino, o dayuhan. Dalawa ang ipinakikita ng kabuuang 53 mapa:
??Una, simula’t sapol ang pinaka-timog na teritoryo ng China ay ang Hainan island-province, at
? Ikalawa, kinikilala ng mundo na ang Scarborough Shoal ay bahagi ng Pilipinas.
Naka-display ang replicas ng mga mapa para makita ng lahat. Ang exhibit na “Historical Truths and Lies: Scarborough Shoal in Ancient Maps” ay hanggang Nov. 14, 2014. Venue: University of the Philippines-Diliman, Asian Center, GT-Toyota Hall of Wisdom, Quezon City.
Naroon din ang mga mapa sa website ng Institute of Maritime and Ocean Affairs: www.imoa.ph. Mainam matutunan ito ng mga opisyales at mamamayang Tsino. Kapag bumagsak na ang mga diktador na Komunista lang mailalabas sa China ang mga mapa sa tunay na kasaysayan nila.
Mula taong 1136 hanggang 1864 ang 15 mapa ng China na gawa ng mga Tsino, at 1700-1833 ang tatlong gawa ng mga dayuhan; 1636-1933 ang 35 mapa ng Pilipinas na gawa ng mga Pilipino o dayuhan.
Tinipon din ni Justice Carpio lahat ng lumang deklarasyon ng mga Komunista sa Beijing ng hangganan ng teritoryo ng China. At lahat ito nagsabi: Pinaka-timog na ang Hainan island-province.