ITO ang huling bahagi ng aking payo para maging malusog ang inyong katawan. Alamin natin ito:
• Umiwas sa polusyon sa hangin (dagdag 2 years sa buhay).
Ayon sa mga eksperto, ang mga polusyon sa hangin tulad ng sulfur oxides at nitrogen oxides ay puwedeng magdulot ng atake sa puso. Sa pag-aaral ni Dr. Gerard Hoek ng Netherlands, ang mga taong nakatira sa tabi ng malaking kalsada (tulad ng EDSA) ay mas nagkakaroon ng hika, ubo at sakit sa puso. Para makaiwas sa polusyon, magtanim ng maraming puno tulad ng bamboo trees. Isara ang ibang bintana at maglagay ng screen sa pintuan. Pero ang pinaka-solusyon ay bawasan ang mga smoke belchers sa ating lansangan.
• Mag-ingat sa radiation (dagdag 1 year).
Ang ionizing radiation ay napatunayang nagdudulot ng cancer at leukemia. Kapag madalas ang exposure mo sa radiation, puwedeng masira ang iyong DNA sa selula. Pero hindi naman masama ang paminsan-minsan na X-ray na kailangan naman sa ating check-up.
• Maghugas ng kamay palagi (dagdag 2 years).
Alam n’yo ba na may 10 milyong bacteria sa bawat palad natin? Totoo po iyan. Kaya sa pamamagitan ng simpleng paghuhugas ng kamay ay makaiiwas tayo sa maraming sakit tulad ng trangkaso, tuberculosis, diarrhea, typhoid at sore eyes. Maghugas ng kamay sa ganitong pagkakataon: (1) bago magluto ng pagkain at bago kumain, (2) pagkagamit ng banyo, (3) pagkatapos umubo, suminga o bumahing, (4) kung may sakit ang mga tao sa paligid mo, at (5) pagkatapos magtapon ng basura.
• Maging aktibo sa komunidad (dagdag 3 years).
Ang pagtulong sa komunidad at pagkakaroon ng maraming kaibigan ay nakahahaba sa ating buhay. Ayon sa pagsusuri ng 3,617 katao ni Propesor Peggy Thoits ng Vanderbilt University, ang mga taong matulungin ay mas masaya sa buhay, mas may kumpyansa sa sarili at mas malusog ang katawan. Kapag tayo’y tumutulong sa kapwa, gagawa ang ating katawan ng endorphins, isang kemikal na nagpapasaya sa atin.
• Mag-ingat sa paglalakbay (dagdag 2 years).
Sa ating paglalakbay, dapat ay pairalin ang pag-iingat. Kung gabi na at gusto pa ng iyong barkada na mag-inuman, sasama ka ba? Kung may malayong lugar kayong pupuntahan at hindi ka kampante dito, tutuloy ka pa ba? Lalo na sa mga may edad, maraming panganib ang puwede mangyari habang naglalakbay. Puwede magkasakit ng traveller’s diarrhea dahil sa pagkain. Uminom lang ng bottled water. Siguraduhing sobra ang dala mong gamot at pera sa paglalakbay dahil baka hindi ka makauwi agad. Tandaan ang mga payong ito para maging ligtas palagi.