AYON sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations, 12 milyong pamilya sa bansa ang umamin na sila ay mahirap at 9.3 milyon naman ay umamin na sila ay mga “food–poor” o walang sapat na nakakain.
Dahil ang average member ng pamilyang Pilipino ay 7, lalabas na 84 milyong Pilipino ay mahihirap at 65 milyon ay walang sapat na nakakain.
Samatuwid dahil 100 milyon na ang total population ng Pilipinas, 16 milyon lamang ang hindi mahirap at 35 milyon lamang ang may sapat na nakakain.
Hindi dapat nangyayari ito dahil bagamat ang Pilipinas ay isang Third World country, mayroon naman tayong isang dosenang mga dollar billionaires na mga kahelera na nina Bill Gates at Warren Buffet sa The World’s Richest ayon sa Forbes magazine.
Karamihan sa dollar billionaires natin ay ang mga nagmamayari ng mga negosyo na nagpapairal ng kontraktuwalisasyon. Dahil sa kontraktuwalisasyon, ang trabaho ng mga manggagawa ay hanggang 5 buwan lamang. Ang mga suweldo nila ay mababa at sa takot na baka hindi sila ma-rehire muli ay hindi na sila nagrereklamo.Kaya habang sila ay naghihikahos lalo namang yumayaman ang kanilang mga amo.
Pero kahit papaano ang mga contractual o “555” ay may kinikita kahit kakapiranggot kung ihahambing natin sa 12 milyong jobless na Pilipino at 18 milyong underemployed. At kaya sila ay nagkakaganyan ay dahil sa malawakang katiwalian sa gobyerno.
Pera na dapat tinutustos ng gobyerno para sa mga imprastraktura na lilikha ng milyones na trabaho ay nadadambong ng mga taong gobyerno. So wala nang ibang sisisihin sa kalunos-lunos na kalagayan ng mas nakararaming Pinoy kung hindi ang mga tycoon na nagpapairal ng kontraktwalisasyon at ang mga pulitikong walang kabusugan sa pangungurakot ng pera ng bayan.