SA sinisiyasat ng Senado na katiwalian umano ng mga Binay, lalu na laban kay Vice President Jojo, may umaayon sa pagsisiyasat sa Senado at may kampi sa mga Binay. Patuloy akong mag-obserba sa proseso at naniniwalang lilitaw ang buong katotohanan. Sabi ng Bible, lahat ng lihim ay nabubunyag sa dakong huli. Iyan mismo ang narinig kong sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Maraming napahanga si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel sa pamumuno sa Blue Ribbon Sub-committee na nagsisiyasat sa usapin. Sinimulan ng Senate Resolution no. 826 ang imbestigasyon sa overpriced Makati Parking Building na itinayo nang mayor pa si Jojo Binay. Natapos ang proyekto sa liderato ng anak ni Binay na si Junjun sa halagang umabot umano sa mahigit P2 bilyon. May mga tumestigo laban sa mga Binay na sa bawat proyekto sa Makati City, 13% ang kickback ni Mayor Jojo at ang “tongpats” ay mas tumaas pa nang ang nakababatang Binay na ang mayor. Naungkat din ang isyu sa pagkakaroon ng dummy company ni Binay, kabilahg ang Omni Security Investigation and General Services, na nakakopo umano sa mga juicy contracts sa pamahalaang lungsod. Lumutang din ang isyu sa “Hacienda Binay” sa Rosario, Batangas , ang mansyon sa Alfonso, Cavite o ang Tagaytay Mansion at isang commercial establishment sa Makati City.
Palibhasa’y hindi matinag ang determinasyon ni Sen. Pimentel na makahalukay pa ng mga datos upang patibayin ang mga alegasyon. Kahit ano pa ang sabihin, hindi mahihiwalay ang isyung pulitikal sa usapin, at nakita ko ang pressure na nararanasan ng komite ni Pimentel. Mantakin mong pangalawang pinakamataas na lider ng bansa ang kanilang inuupakan! Laging naririnig sa labi ni Sen. Pimentel ang mga katagang “para maging malinaw tayo” at “linawin lang natin.”
Gaya ng lagi kong sinasabi, sana’y tugunin na ni VP Binay ang imbitasyon ng Senado para dumalo sa hearing at malinaw na maihayag ang panig niya. Sa tingin ko kasi, hindi na siya tatantanan ng subcommittee sa Senado lalu pa’t bullheaded itong si Pimentel, at sa bawat ebidensyang mailalantad, lalu bibigat ang problema ng bise Presidente. Natuwa rin ako sa hamon ni Binay na magdebate sila ni Sen. Trillanes sa usaping ito. Sana’y magkatotoo bagamat sinasabi ni Sen. Cayetano na “aatras si Binay” sa debate.