Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
“BABA! Baba!” malakas niyang sigaw ng saklolo sa matandang babaeng bingi, nakaratay sa higaan at ‘di na makabangong mag-isa.
“Sinong tutulong sa asawa ko sa ganung sitwasyon mabuti na lang ‘di siya napasok… muntik na!” sabi ni ‘Gani’.
Si Isagani “Gani” Gomez, 40 anyos, drayber ng ‘Five Star Bus’—biyaheng Nueva Ecija ay napasugod sa aming tanggapan nitong ika-20 ng Oktubre. Ito ay matapos niyang maka-‘chat’ sa facebook (fb) ang asawang Domestic Helper (DH) sa bansang Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia. Si Jocelyn Gomez o “Lenlen”, 36 anyos.
“Buti na lang malakas ang asawa ko at pilit niyang sinasara ang pinto ng banyo kundi napasok na niya ang asawa ko,” ani Gani.
Tubong Nueva Ecija si Gani. Taga Agusan del Norte naman si Lenlen. Sa Caloocan City sila nagkakilala. Drayber nun ng ‘taxi’ si Gani at naging pasahero niya si Lenlen na ‘sales lady’ naman nun sa Isetan, Recto.
Dito na rin sila kinasal at tumira. Nagkaroon sila ng apat na anak. Dise sais anyos ang kanilang panganay, tatlong taong gulang naman ang bunso.
Lingguhan ang uwi ni Gani kaya’t naiiwan sa bahay si Lenlen kasama ang mga anak. Taong 2013, nang unang nagpaalam si Lenlen sa mister na gusto niyang magtrabaho sa ibang bansa.
“Sa Hong Kong niya una gusto pumunta, sa tiyahin niya. Hindi ako pumayag kasi walang mag-aasikaso sa mga anak namin,” ayon kay Gani.
Naging mapilit itong si Lenlen. Bago matapos ang taon, Desyembre nag-‘text’ sa kanya ang pinsan na si Maricar Picson at pinasunod siya nito sa Riyadh.
Pinapunta raw siya ni Maricar sa Crystal Falah- Ville International Manpower Services, Inc. sa Makati.
“Ilang beses ko siya pinigilan pero gusto raw niya makatulong sa’kin dahil magkokolehiyo na rin ang panganay namin. Gusto rin daw niya makaipon at magtayo ng sariling negosyo,” kwento ni Gani.
Walang nagawa si Gani kundi samahan ang asawa sa Crystal Falah nung buwan ng Enero 2014. Pinalakad kay Lenlen ang mga dokumentong kakailanganin upang siya’y makaalis.
Buwan ng Pebrero dumating na agad ang Working Visa ni Lenlen bilang DH sa mag-asawang Arabo sa Riyadh.
Ang kanyang sahod 1,000Riyals kada buwan o katumbas na Php11,000.
Ika-12 ng Pebrero 2014, umalis ng bansa si Lenlen. Maayos nung una ang naging trabaho ni Lenlen sa kanyang amo hanggang nitong buwan ng Hunyo kasalukuyang taon, nagsusumbong na ang misis kay Gani.
Ayon kay Gani, nagpamasahe raw kay Lenlen ang lalaking anak ng kanyang amo. Sumunod naman si Len nung una subalit nung huli tumanggi siya.
“Sinabi niyang hindi niya trabaho yun. Natakot daw siya sa anak ng amo niya. Siguro nakaramdam siya ng kakaiba…” wika ng mister.
Nagsumbong daw muli si Lenlen kay Gani. Nung minsang wala ang kanyang pinsan sa bahay, mag-isa lang siya, bigla na lang daw tinanggal ng anak ng kanyang amo ang takip niya sa ulo.
“Bawal alisin ang tela sa ulo dahil pinagbabawal sa Saudi na makita ang buhok ng mga babae. Nagalit ang asawa ko sa anak ng amo niya at nagsumbong sa pinsan niya. Si Maricar naman pinagsabihan ang anak ng amo at sinabing isusumbong siya kapag inulit pa niya,” pahayag ni Gani.
Dalawang buwan lang magkasama sa bahay si Lenlen at Maricar. Makalipas nito inilipat na si Lenlen sa bahay ng Nanay ng kanyang amo. Dito naging ‘care giver’ siya ng matandang hindi na raw halos makatayo at may sakit.
Nakahinga ng maluwag itong si Lenlen dahil hindi na raw sila magkasama sa bahay ng anak ng amo.
Oktubre 14, 2014, nakatanggap na naman ng mensahe sa fb si Gani.
“Pinasok aq d2 sa banyo ko ng anak ni madam nong isang lingo lng”—laman ng fb message ni Lenlen.
Kwento raw ni Lenlen sa mister, habang naliligo siya sa banyo nagulat na lang siya ng biglang binuksan ng anak ng kanyang amo ang pinto na walang kandado.
Naka-‘lock’ naman daw ang ‘maindoor’. Sila lang ng kanyang amo na kung tawagan nila’y Baba (tawag niya sa amo) ang tao nun.
“Nagpadala ng pagkain ang amo niyang babae. Binigay siguro ang susi,” sabi ni Gani.
Nagsisigaw si Lenlen ng biglang buksan ng anak ng amo niya ang pinto ng banyo. “Baba! Baba!” pagtawag niya habang iniipit niya sa pinto ang umano’y pilit na nagpupumasok na lalaki. Sa lakas ng sigaw ni Lenlen, natakot din ito at umalis. , “Okay! Okay! I’ll go out!” sabi nito.
Dahil sa pangyayaring ito agad nagsumbong si Lenlen sa among babae.
“Sinabi ng asawa kong uuwi na lang siya. Pumayag naman ito basta may kapalit na si Lenlen,” ayon kay Gani.
Nagpunta sa Crystal Falah si Gani at sinabi ang nangyari sa misis. Nakausap niya raw si Cherry Reyes at sinabing pakiusapan ang amo ni Lenlen na magpadala ng bagong working visa para sa bagong DH na ipapalit sa kanya.
Nakisama naman daw ang amo niya at inasikaso ito. Pinarating ito ni Gani kina Cherry subalit ayon sa kanila hindi na umano nila maayos ito.
“Suspended daw sila… tsinek ko sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), suspended nga,” sabi ni Gani
Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN)
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nagkausap namin si Cherry Reyes ng Crystal Falah at tinanong namin ng diresto kung sila nga ang nagpaalis kay Lenlen. Sinabi nilang wala naman daw silang natatanggap na ‘report’ na may nangyayaring ganun mula sa pinsan nito na si Maricar.
Kinumpronta namin sila kung meron ba silang lisensya para magpaalis ng mga ‘recruits’ para magtrabaho sa abroad. Sinabi nilang ‘for document processing’ lang daw sila. Diniretso namin silang tinanong kung suspendido ba sila? Dito na sila umamin na suspendido nga sila ng POEA.
Pinayuhan namin sila na mabuti pang makipagtulungan na lang sila kundi ipapaalam namin kay Administrator Hans Leo Cacdac ng POEA ang kanilang paglabag sa kautusang suspendido sila at wala silang karapatan mag-‘recruit’, magpadala at mag-‘deploy’ ng mga Overseas Filipino Workers.
Bilang tulong, inemail namin kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lahat ng impormasyon tungkol kay Lenlen para ito’y maiparating sa ating embahada sa Riyadh. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.