^

PSN Opinyon

Kung ganyan din sana kabilis

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

HINDI pinayagang makaalis ng bansa noong Linggo si Marc Sueselbeck, ang kasintahang German ni Jeffrey “Jennifer” Laude, ang transgender na pinatay umano ni US Marine PFC Joseph Scott Pemberton noong Oktubre 11. Dumating si Sueselbeck noong Lunes para dumalo sa burol at libing ni Jeffrey. Noong Miyerkules, nagtungo siya at ilang kapamilya ni Laude sa Camp Aguinaldo, para makaharap si Pemberton. Dahil hindi sila pinayagang makapasok ng kampo, inakyat ni Sueselbeck at Marilou (kapatid ni Jeffrey) ang alambreng bakod. Nang makababa si Sueselbeck, agad siyang hinarang ng isang sundalo, pero itinulak niya ito. Hindi na sila nakausad pa mula sa kanilang posisyon at tumawag na ng mga sundalo ang kumander ng kampo para palabasin at paalisin na ang mga taong nagtungo sa kampo.

Ayon sa base commander, walang basta-basta puwedeng pumasok sa kampo nang walang pahintulot mula sa kanya. Sa madaling salita, labag sa mga patakaran ng kampo ang ginawa nila Sueselbeck at kapatid ni Jeffrey. Dahil dito, nagsampa ng reklamo ang AFP sa Bureau of Immigration laban kay Sueselbeck, para siya ay maging isang hindi kanais-nais na banyaga. Dahil sa reklamo, nailagay si Sueselbeck sa watchlist ng BI, kaya nang dumating sa NAIA, agad siyang pinigilan. Kung kailan siya papayagang makaalis, dahil iyan naman ang bunsod ng pagiging isang hindi kanais-nais na banyaga, ay hindi pa alam.

Walang argumento na mali ang ginawa ni Sueselbeck, na bunsod na lamang ng matinding galit at pagkabigo sa mga kaganapang may kinalaman sa pagpatay kay Jeffrey­. Tandaan na siya ang kasintahan ni Laude. Humingi naman­ ng paumanhin sa sundalo at sa AFP, na tinanggap naman­. Pero tinuloy pa rin ang pagsampa ng reklamo. Ang kapansin-pansin lang ay ang bilis ng mga kilos at desisyon ng mga otoridad sa sitwasyon ni Sueselbeck, kumpara sa aksyon kay Pemberton na di hamak ay mas mabigat ang krimen. Si Pemberton ay nakabalik pa sa kanyang barko na hindi man lang nahawakan ng local na pulis.

Kapag nasa ibang bansa, hindi na kailangang sabihin na dapat mabuti ang pagkilos at hindi lumabag sa mga batas. Mahirap maging bilanggo sa ibang bansa, ika nga. Kapag lumabag sa batas, may takdang parusa iyan. Hindi ko lang mapigilang maawa kay Sueselbeck, na napakabigat na ng dinadalang damdamin, ganyan pa ang mangyayari sa kanya. Napakaraming suspek sa mga marahas na krimen na madaling nakaalis ng bansa, dahil sa kabagalan ng mga otoridad mailagay sila sa watchlist. Pero kay Sueselbeck, tila napakabilis nga. Dahil walang padrino, tulad ni Pemberton at mga mayayamang suspek ng mga kasong pagpatay sa kapatid, hazing at serious illegal detention na nakaalis, o pinaalis na mula sa bansa para takasan ang batas? Kung ganyan din sila kabilis kumilos sa mga suspek na iyan, hindi rin sana nakaalis ng bansa at humarap sa mga kaso.

BUREAU OF IMMIGRATION

CAMP AGUINALDO

DAHIL

JEFFREY

JOSEPH SCOTT PEMBERTON

PEMBERTON

SUESELBECK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with