EDITORYAL - Iilan ang pumasa sa red tape test

MULA nang ipatupad ng Civil Service Com­mission ang Anti-Red Tape Act (ARTA) of 2007, marami pa ring ahensiya ng gobyerno ang sumu­suway sa batas at nagpapatuloy sa masamang gawain ang kanilang mga empleado. Patuloy pa rin ang red tape sa maraming tanggapan at iilan lang ang masa­sabing sumusunod sa ARTA.

Taun-taon nagsasagawa ng anti-red tape test ang CSC sa mga ahensiya ng gobyerno para malaman kung naputol na ang red tape. Ngayong taon, limang ahensiya ang pumasa sa red tape test at pinuri ng CSC sa mahusay nilang serbisyo sa mamamayan na walang kapalit o “padulas” na pera. Nangunguna ang Land Bank of the Philippines sa ahensiyang may excellent na pagsisilbi sa publiko. Sumunod ang Commission on Higher Education, Philippine Health Insurance Commission, Department of Trade and Industry at Public Attorney’s Office.

Hindi naman inilahad ng CSC kung anu-anong mga ahensiya ang bagsak sa red tape test. Sana inilagay ang mga ahensiyang masama ang per­formance at kailangan pang “lagyan” para gumalaw ang kanilang papeles o documents na nilalakad. Kailangang hiyain ang mga ahensiyang sagad sa buto ang namamayaning red tape. Masyadong makakapal na ang balat ng mga empleado ng ahensiyang nasanay nang may “padulas” na pera. Nawawala na sa isipan nila na ang pinagsisilbihan nila ay mamamayan.

Noong nakaraang taon, 150 tanggapan ang bumagsak sa red tape test at 50 lamang ang naka­pasa. Nangunguna sa mga tanggapang bumagsak sa red tape test ang Bureau of Customs at ang Government Service Insurance System. Kabilang din sa mga tanggapan na may “fixers” ay ang LTO at National Statistics Office (NSO). Napaulat din ang red tape sa City Hall kung saan nagkakaroon ng lagayan­ sa pag-iisyu ng building permit, real property taxes at iba pang bayarin sa buwis.

Ang talamak na red tape sa mga tanggapan ng pamahalaan ang sumisira sa plano ng mga da­yuhang negosyante na mag-invest sa bansa. Natatakot sila sa mga hinihinging “lagay” para makapagtayo ng negosyo. Noong 2007, isang grupo ng American businessmen ang nagbantang aalisin ang kanilang negosyo sa bansa kung hindi mapuputol ang red tape.

Magsagawa pa ng pagmamanman ang CSC sa mga tanggapan na laganap ang red tape at gawin ang lahat para maputol ang masamang praktis na ito. Ito ang sagabal sa “tuwid na daan” ng kasalukuyang pamahalaan.

Show comments