Saan ka ba nakatira, MManila o Impiyerno?

“IMPIYERNO manirahan sa Kamaynilaan.” ‘Yan ang pambungad ni President Fidel V. Ramos nang matrapik, mabaha, at ma-late patungo sa una niyang State of the Nation sa Kongreso nu’ng 1992.

Dalawampu’t dalawang taon na ang lumipas, hindi pa rin nalutas ang trapik at baha sa national capital region. Lumala pa nga. Nitong mga nakaraang gabi, weekday o weekend, halos hindi gumagalaw ang mga sasakyan sa major roads. Ang dating biyaheng 30 minutos ay naging dalawang oras na. At ito’y kung makahanap ka ng ruta kung saan hindi ka lulusong sa baha. Marami na ngang namatay sa pagka-kuryente sa binahang electric wires ng streetlamps. At hindi pa ito kasagsagan ng Christmas shopping season.

Tatlong sangay ng gobyerno ang maysala. Una ang Department of Public Works and Highways, na masyadong mabilis humukay pero sobrang bagal tumapos ng mga kalsada. Nariyan ang Department of Transportation and Communications, na winaldas ang pera para sa maintenance ng MRT-3 kaya malimit magkaaksidente at tumirik, at bumalik ang madla sa pagkokotse at bus. Nariyan ang Department of Trade and Industry, na hindi pa rin nilipat sa Subic Freeport sa north at Batangas Port sa south ang pagdidiskarga imbis na sa Manila Port, kaya sobrang trapik ng container vans na nakakasira pa ng aspalto. Nariyan ang Metro Manila Development Authority na hindi nagsasanay ng traffic enforcers o nagtatalaga sa gabi. At nariyan ang city halls na hinahayaan ang pagsasara ng mga kalsada, pagkakalat at pagbabara ng drainage, pabayang paggawa ng electric street lamps.

Matuto sana tayong mamamayan na hingin sa gobyerno ang tamang serbisyong kapalit ng buwis na ibinabayad natin.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments