AYON sa aklat ng Exodo: “Huwag alipinin ang mga taga-ibang bayan at mga babaing balo at ulila. Pero dito sa ating bansa ay pinahihintulutan tayo ng ating pamahalaan na maging alila ng mga dayuhan. Ito ang kabaliktaran sa sinasabi ng Exodo. Wala tayong masabi sapagka’t kaila-ngan natin ang salapi upang buhayin ang ating pamilya.
Nag-aalisan ang ating mga kababayan upang magtrabaho sa iba’t ibang bansa, tulad sa Middle East, Hong Kong, Singapore, Japan at iba pa. Subalit hayagan namang pinahihintulutan ng ating pamahalaan na magdatingan ang mga dayuhan upang mangalakal sa kanilang ikayayaman at tayong mga Pilipino ang kanilang ginagawang alila. Kawawa naman ang ating bayan. Pulubi ng silangan, hindi perlas ng silangan.
Naalaala ko noong araw na tayo ay hinihimok ng Amerika para maging estado tulad ng Hawaii at Guam. Subalit tumanggi ang mga nasa pamahalaan. Sabi raw ni Quezon, di-baleng maghirap tayong lahat huwag lamang maging alipin ng Amerika. Tama nga siya sapagka’t tayong mga ordinaryong mamamayan ay alipin nilang nasa pamahalaan at patuloy tayong naghihirap. Sila namang nagpasukan sa pulitika ang mga yumaman sa kaban ng bayan.
Kaya naman hanggang ngayon ay napakaraming naghahangad na pumasok sa pulitika mula sa pagiging presidente hanggang kagawad. At sa pagnanasang ito ay marami pa ang nagsisiraan o nagpapatayan upang makapasok sa panunungkulan sa ating bayan.
Ang tunay na kayamanan na itinuro ni Hesus ay ang kabuuan ng pag-ibig sa Diyos at kapwa gaya ng ating sarili. Idinagdag pa ni Hesus na sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong kautusan na ibinigay ng Diyos kay Moises at turo ng mga propeta. Ang pagsunod sa mga utos ay ang pagpapahayag ng pag-ibig. Ang tunay na sumusunod sa Diyos ay dapat puno ng pag-ibig sa kapakanan ng kapwa hindi ng kanyang sarili. Ang pag-ibig sa Diyos ay tulad sa kapwa. Dito sa ating bansa maraming umiibig sa pamumuno ng bansa hindi upang pagyamanin ang bansa kundi ang sarili. Ito ba ay tunay na pag-ibig sa pamilya: si tatay presidente, anak senador, anak mayor, manugang konsehal, apo SK kagawad. Ito ba ay tunay na pag-ibig?
Exodo 22:20-26; Salmo 17; 1Tesalonica 1:5k-10 at Mateo 22:34-40
* * *
Belated Happy Birthday kina Alecza Czandra P. Lleva at Jhoana Paula H. Esposa