NAGLABAS na ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa petisyon ng dalawang high school students sa St. Theresa’s College Cebu(STC) na hindi pinayagan ng nasabing kolehiyo na dumalo sa pagtatapos nila noong 2012. Ang nangyari umano ay nakita ang kanilang mga larawan sa Facebook ng isang guro ng STC kung saan naka-bikini sila, umiinom at naninigarilyo. Sa madaling salita, tila parusa ito sa kanila dahil sa nakitang kaugalian.
Ayon naman sa mga mag-aaral, walang karapatan ang guro na ipakita sa iba ang mga larawan, at labag sa kanilang karapatan. Privacy, sa madaling salita. Pero, dahil ang setting yata ng Facebook account kung saan naka-upload ang mga larawan ay “Friends Only”, hindi lubos na pribado ang mga larawan at makikita’t maipapasa ng lahat. Kaya nakita ng guro, at nagdesisyon na ang kanilang mga ginawa ay hindi angkop sa kanilang mga prinsipyong sinusundan sa kolehiyo. Nagdesisyon ang Mataas na Hukuman kontra sa petisyon ng mga mag-aaral, at sinabing kapag boluntrayong inilagay sa internet ang anumang impormasyon na hindi naman itinakdang lubos na pribado, kahit sino ay makakagamit nito.
Iginiit ng kolehiyo na kailangan maging “cyber-responsible” ang mga mag-aaral, lalo na’t mga high school pa lang. Anuman ang ilagay sa internet ay may panganib na magamit sa masama ng mga taong may madidilim na hangarin. Isipin na lang kung ang mga mukha ng mga mag-aaral ay ginamit sa katawan ng ibang babaing nakahubad, hindi ba? Madali nang gawin iyan, sa teknolohiyang magagamit ninuman. Puwedeng itanggi nang husto, pero kapag nailagay na sa internet, sira na ang pangalan mo.
Kailangan talaga mag-ingat kung ano ang mga ilalagay sa mga sites tulad ng Facebook. Milyon-milyon na ang gumagamit nito, kung saan ang lahat ng aspeto ng kanilang buhay ay ipinapakita sa buong mundo. Hindi malayo na may gagamit ng lahat ng impormasyon na iyan sa masamang paraan. Kaya tama ang pagiging “cyber-responsible”. Piliin nang mabuti ang gustong ipakita sa mundo. Kung bakit nga may mga nagpapakuha pa litrato ng nakahubo’t-hubad at kung anu-ano pang ginagawang maseselan, tapos magagalit kapag nakalat na sa internet ay hindi ko maintindihan. Kung may mga pribadong aspeto sa buhay na ayaw ipaalam sa marami, huwag nang ilagay kung saan-saan na pwedeng makuha, tulad ng internet at mga smartphone. Huwag nang magpalitrato, huwag nang magpa-video. Masyado nang madaling malaman ng lahat ang napakaraming aspeto ng buhay natin, na kailangan ay mag-ingat na talaga.