EDITORYAL - Ang Ebola

KAPOS pa sa kaalaman ang nakararaming ma-mamayan ukol sa sakit na Ebola. Ano ba ang sakit na ito? Nakamamatay ba ito? Paano ito naililipat at kumakalat? Saan ba nagmula ang sakit na ito? Paano ito maiiwasan.

Nararapat paigtingin pa ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng impormasyon ukol sa Ebola. Magkaroon ng kampanya laban sa sakit. Kahapon, may malaking advertisement sa mga pahayagan ang DOH ukol sa Ebola. Tama ang ginawa ng DOH para mabigyan ng impormasyon ang mamamayan ukol sa Ebola. Ulitin ang paalala para malaman nang lahat. Mahalaga ito para ma-educate ang mamamayan at maiwasan ang sakit. Malaking tulong ito para hindi lumaganap ang sakit.

Batay sa report, mabilis kumalat ang virus at maski sa US ay nakaabot na ang sakit, Isang American doctor na nanggaling sa Guinea ang nag-positive sa Ebola. Dahil sa nangyari, doble ang pag-iingat at pagmamatyag doon ng health authorities sa bawat dumarating na pasahero mula sa Arab at African countries.

Ngayon ay nagsisimula nang dumagsa ang mga overseas Filipino workers (OFWs)  para ipagdiwang sa bansa ang Pasko at Bagong Taon. Nararapat na ma-ging mahigpit ang health authorities sa mga parating na OFWs. Kung maaari ay isa-isang i-check up bago makalabas ng NAIA. Mahirap na kung kailan nakalabas at nakahalubilo ng pamilya saka malalaman na may sintomas ng Ebola. Maaaring mahawa ang mga kaanak. Hindi dapat ipagwalambahala ang sakit na ito.

Ang Ebola virus disease ay tinatawag  ding Ebola hemorrhagic fever. Galing sa virus na ebola ang sakit. Ayon sa report, maraming bansa sa Africa ang may kaso ng Ebola. Kabilang dito ang mga bansang GuineaSierra LeoneLiberia at Nigeria. Sa report ng World Health Organization (WHO) umabot na sa 3,069 ang kaso ng Ebola ngayong 2014 at mahigit 1,000 na ang namatay. Unang natuklasan ang sakit noong 1976 sa mga bansang Sudan at Congo.

Ang mga sintomas ng Ebola ay lagnat, pananakit ng ulo, tiyan at kalamnan, pagtatae, pagsusuka, pagdurugo at pagkakaroon ng sugat. Hindi naipapasa ang Ebola virus sa pamamagitan ng pakikipagkamay, tubig at hangin. Payo ng mga doctor, inspeksiyunin ang mga karne at lutuing mabuti bago kainin. Laging maghugas ng kamay. Ipinapayo ang pagsusuot ng protective clothing kung makikisalamuha sa mga taong may sakit na ebola.

Kayang labanan ang Ebola kung may sapat na kaalaman ukol sa sakit.

 

Show comments