Plastik

PAKIPOT pa ang mga chairman at kagawad ng Bgy. 307, 308 at 309 sa  Quiapo noong unang pagtatangka ng mga taga Manila City Hall sa pagtatayo ng tent structures para ma-organized ang vendors sa kanilang lugar. Nagpakita pa ng puwersa ng magkapit-bisig na sumugod sa opisina ni Mayor Erap Estrada upang tutulan ang naturang proyekto dahil ang kapakanan ng kanilang mga constituent ang kanilang nasa isip, hehehe! Ayon pa nga sa mga plastik na opisyales ng barangay tutol sila sa pagtatayo ng tent dahil matatakpan ang mga lehitimong negosyante sa kanilang nasasakupan. Ang tinutukoy nila ay sina Che Borromeo at Boy Sita/ Boy Hatak, Vice Mayor Isko Moreno na may pakulo.

Maganda naman ang naging tugon sa kanila ni Mayor Erap at sa katunayan ay napigilan ang balak ng dalawang opisyales ng MCH sa pera-perang pag-organisa ng mga sidewalk vendors. Nagpalakpakan siyempre ang mga negosyante at residente ng Bgy. 307, 308 at 309 sa naging resulta, hehehe! Ngunit may ilang araw lamang ang lumipas matapos na mabuksan ang moderno at esklusibong Victory Lacson underpass mall sa Quezon Boulevard aba’y nagbago na ang timpla sa Barangay. Kasi nga inokupa na ng vendors ang Evangelista mula Quiapo Church hanggang Isetan, Recto Avenue at maging ang G. Puyat Street mula Avenida hanggang Quezon Boulevard.

Paano nga naman mga suki, naparalisa ang biyahe ng mga pampasaherong jeepney sa dati na nilang ruta. Sinakop nang tuluyan ng vendors ang mga bangketa at kalye kung kaya halos magkapalitan ng mukha ang mga tao na nagsisiksikan sa paglalakad. Kaya  ang galit nila ay nakatuon sa mga barangay chairman at mga kagawad na ang balita ko ay tumataginting na P100.00 bawat puwesto kada araw ang naibubulsa nila mula sa mga vendor. Kaya naman pala tinutulan ng mga opisyales ang pagtatayo ng tent structure noong una dahil butata sila sa kita, subalit ngayon sa free for all na ang vendors wala na silang reklamo.

Malinaw pa sa sinag ng araw na hindi bababa sa P1 milyon kada araw ang pinaghahati-hatian ng tatlong barangay kaya happy go lucky na naman ang mga ito. Bukod kasi sa koleksyon mula sa puwesto ng vendors may mga pinagkikitaan pa ang mga ito sa mga abortion pills na nakapaloob sa mga paninda ng mga Herbal Medicine kuno. Get n’yo mga suki! Kasi nga ang talamak na pagtitinda ng mga abortion pills sa kapaligiran ng Quiapo Church ay hindi inaaksyunan nina MPD Station-3 chief Supt. Aldrin Gran at Plaza Miranda PCP commander Insp. Rommel Anicite. Kaya kung malaki man ang nahuhuthot ng mga barangay official sa vendors di-hamak na mas malaki pa ang nakukolekta ng dalawang opisyales ni MPD Officer-in-Charge SSupt. Rolando Nana sa ngayon dahil talamak din ang mga bookies ng horse racing, lootting, endeng at video karera sa kaharian ni Erap. Ang masakit lumalaganap na ang krimen dahil mas inuuna nila ang kanilang bulsa kaysa pagbibigay ng proteksyon sa Manileños. Abangan!

Show comments