EDITORYAL - Irespeto ang kasunduan
NANG dalhin sa Camp Aguinaldo sakay ng US helicopter ang suspect na si PFC Joseph Scott Pemberton noong umaga ng Miyerkules, marami ang nagkaroon ng pag-asa. Maraming umasa na mabibigyan ng katarungan ang ginawa sa isang Pilipino na pinatay sa sariling bayan. Hindi nakatakas si Pemberton gaya nang paniwala nang marami. Umalis na ang USS Peleliu na dating kinalululanan ni Pemberton makaraang maihatid sa Aguinaldo ang sundalo. Ngayong nasa Aguinaldo na si Pemberton, bahagyang natahimik ang kalooban ng pamilya ni Jeffrey “Jennifer” Laude na umano’y pinatay ng Kano sa isang motel sa Olongapo noong Oktubre 11. Natagpuang nakasubsob sa inidoro si Laude. Pagkalunod ang ikinamatay nito ayon sa ginawang awtopsiya. Nakakita ng mga ebidensiya (kabilang ang condom na may semen) sa motel na nagli-link kay Pemberton na positibong gumawa ng krimen. Nakunan din ng CCTV ang pag-akyat ng dalawa sa motel. May mga nagpapatunay na sina Laude at Pemberton ang magkasama bago naganap ang pagpatay. Malinaw na si Pemberton ang killer, base sa mga witness.
Subalit hindi sapat ang mga ebidensiya at witness, para madiin ang Kano sa krimen, kailangang makunan ng DNA sample si Pemberton at mai-match sa natagpuang semen. Kapag nagtugma ang DNA ni Pemberton sa natagpuang semen, dito ganap na madidiin ang sundalo. Wala na siyang kawala at tiyak na makukulong siya. Pagdudusahan niya ang ginawang pagpatay.
Subalit mangyayari lamang ito kung papayag ang United States na makunan ng DNA sample si Pemberton. Kapag nagmatigas sila, dito muling maguguho ang pag-asa ng mga kaanak ni Laude. Maaring makahulagpos na sa batas si Pemberton at katulad ni Lance Corporal Daniel Smith na naakusahang nanggahasa kay “Nicole” noong 2005, maaaring makalipad din palabas ang akusado sa Laude killing.
Kung tapat ang US sa kasunduang nakasaad sa Visiting Forces Agreementg (VFA) dapat pumayag sila sa kahilingang makunan ng DNA samples si Pemberton. Irespeto ang kasunduan. Hayaang gumulong ang kaso. Dapat tandaan na buhay ang inutang dito. Hindi simpleng kaso ang pangyayaring ito. Dapat maisilbi ang hustisya sa pinatay na si Laude.
- Latest