SORPRESA sa karamihan ang paglipat kay US Marine PFC Joseph Pemberton sa Camp Aguinaldo. Gaya ng naisulat noong Miyerkules, ang probisyon ng Visi-ting Forces Agreement (VFA) na nagsasaad na ang “custody” ng kanilang personnel ay mapupunta sa US authorities sakaling i-request nila ito ay tumutukoy sa sitwasyon kung saan ang sundalo ay naka-detain na sa Philippine facilities. Mangyayari lamang ito kung nahuli sa akto ang sundalo o sa iba pang sitwasyon na authorized ang warrantless arrests.
Iba ang konteksto nung kay Pemberton. Hindi ito nahuli sa akto. Kung kaya, gaya rin ng karaniwang mamamayan – karapatan nitong maituring na inosente hanggang hindi napapatunayan ang pananagutan. Ang mamamayang inaakusahan ng krimen ay kaila-ngang dumaan muna sa preliminary investigation sa piskalya bago sampahan ng kaso kung mukha ngang nagkasala. Kung nasampa na ang kaso sa korte, saka lang maaring mag-issue ng warrant of arrest at dakpin ang akusado. Kapag walang warrant, walang aresto at walang kulong.
Gaano pa man katindi ang pruweba sa media tungkol sa pagkasangkot ni Pemberton, sa ngayon ay sapat pa lamang iyan upang ma-convict siya sa opinyon ng publiko. Pagdating sa aktuwal na pagpatunay nito sa piskalya at hukuman, kinakailangan pa ring sundan ang tamang proseso.
Maari pa ngang lumipad si Pemberton nang pauwi ng Amerika gaya ng ginawa ng apat nitong kasamahan. Kapag mangyari ito ay papatunayan lang ng mga Amerikano ang kanilang pagkabastos at kawalan ng respeto sa ating proseso kahit pa karapatan nilang lumayag. Ang hindi niya pagtakas at ang kusang pagpaubaya ng Amerika ng kanyang detensyon sa Philippine Military ay malinaw na tanda ng kooperasyon ng Amerika at ang pagiging sensitibo nito sa nararamdaman nating bilang bansa.
Mahaba pa ang laban para makamit natin ang hustisya para kay Jenny. Ang paglipat ni Pemberton mula sa barko papunta sa Camp Aguinaldo, kahit pa ba ang US military pa rin ang magbabantay sa kanya, ay malinaw na positive development.