SINO ba talaga ang may jurisdiction kay US Marine Joseph Pemberton? Sa ilalim ng batas at maging ng probisyon ng Visiting Forces Agreement, ang jurisdiction sa kagawad ng American Military na lumabag sa ating mga criminal laws ay nananatili pa rin sa Pilipinas. Nalilipat lang ang jurisdiction sa Amerika kapag ang krimeng naganap ay (1) ukol sa seguridad ng Amerika; (2) kung ito’y ginawa laban sa property o katauhan mismo ng US personnel; o (3) kung ito’y nangyari habang ginagampanan ang kanyang official duty. Ang pagpatay kay Jennifer Laude ay hindi pumapasok sa alinman sa exception na nabanggit.
Sa ilalim ng VFA (Article V, Sec. 3. d.), kapag hiniling ng Amerika na i-waive natin ang criminal jurisdiction sa pagkatao ng nagkasala – obligado itong ibigay ng Pilipinas maliban kung itinuturing natin ang kaso na may “particular importance” sa bansa. Ibig sabihin ay kung hindi tayo tumanggi, maililipat sa kamay ng mga Amerikano ang karapatang imbestigahan at litisin ang sarili nilang tauhan. Isa ito sa mga probisyon na inirereklamo ng madla. Sa kaso ni Laude, hindi ito mangyayari dahil paano naman maitatanggi ang particular importance ng kaso gayong buhay ng tao ang pinag-uusapan.
Ngayon ang medyo “tricky” (salitang ginamit ni Atty.Evalyn Ursua) na probisyon ng VFA ay ang Art. V, sec. 6 kung saan isinasaad na ang custody ng US personnel na napapailalim sa ating criminal jurisdiction ay mananatili sa US military authorities kung ito’y kanilang opisyal na hilingin. Kapalit nito ay ang pangako na ipapa-attend nila ang sundalo sa imbestigasyon ng krimen. Mula nang naganap ang krimen, ito ang pangunahing reklamo ng mga Pilipino – bakit wala sa ating kustodiya si Pemberton? Hiningi na ba ng Amerika na sa kanila muna ang kustodiya?
Wala sa atin ang kustodiya ni Pemberton dahil hindi ito inaresto. Hindi siya nahuli habang ginagawa ang pagpatay kay Jennifer kung kaya kailangan pa itong patunayan matapos ang imbestigasyon na susundan pa ng paglilitis. Pansamantala, gaya ng sinumang itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala, malaya itong gumala-gala. Tulad nga ng 4 niyang kasamahan na pawang nakaalis na ng Pilipinas. Kung hindi nga dahil sa VFA kung saan nangangako ang US na ipapa-attend sa imbestigasyon ang nasa kustodiya nila, matagal na sigurong nakaalis ng bansa si Pemberton.