KUNG saan-saan na lumiko ang isyu ni Jeffrey “Jennifer” Laude. Siya ‘yung transgender na pinatay umano ni U.S. Marine PFC Joseph Scott Pemberton sa motel sa Olongapo City nu’ng naunang Sabado.
“Hate” crime ito, bugso ng galit. Natagpuan ng motel staff si Laude na nakasubsob ang ulo sa inodoro. Pagsakal ang ikinamatay niya, anang medico-legal. Nakasadsad ang lalamunan sa toilet bowl, nakalublob sa tubig ang ilong at bibig. Anang mga saksi, sabay umalis sa isang bar at pumasok sa motel sina Laude at Pemberton. Pero nag-iisa’t nagmamadali umalis ang huli, at iniwan pang bukas ang pinto.
Dahil transgender si Laude -- lalaki na nagpa-anyo at kilos-babae, may suso, at malamang na palit-ari -- may bahid ng pagmamaliit ang teyorya ng pulisya sa motibo ng pagpatay. Kesyo raw nagalit si Pemberton nang mabatid na lalaki pala ang katalik, o nahuli sa aktong nagnanakaw si Laude. Napulot ang dalawang gamit na condom sa silid.
Mula roon, kung ano-ano nang malulupit na salita ang pinaskel ng Netizens. Kesyo raw “’Yan ang napapala ng lumalanding aso na bakla” o “Mabuti nga sa ‘yo kasi hindi mo tinanggap ang kasarian na ipinagkaloob ng Diyos” o “Lipulin lahat ng LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transgender).”
Napolitika pa ang isyu. Kesyo epekto ito ng Visiting Forces Agreement. Kaya ibasura daw ito miski panghadlang sa pananakop ng Tsina. Kesyo dapat daw ipa-mental test lahat ng militar ng America bago dumaong sa Pilipinas. Para itong pagbuwag ni President GMA sa ROTC dahil pumatay ng kadete ang isang officer. Rerepasuhin ng Kongreso at Malacañang ang probiso ng VFA na nagpapanatili sa U.S. military ng kustodiya sa personnel nito na nililitis dahil sa krimen sa Pilipinas.
Nakalimutan na “it takes two hands to clap.” Isyu ng murder ang kay Laude, na umano’y nagbebenta ng laman. Mali pumatay, Mali rin ang prostitution.