EDITORYAL – Bilisan ang pagkumpuni sa nilindol na Bohol

OKTUBRE 15, 2013 nang tamaan ng 7.2 magnitude ang Bohol. Ginulantang ang mamamayan nang malakas na pagyanig dakong 8:30 ng umaga. Kumitil nang mahigit 200 katao at 800 ang nasugatan. Sa sobrang takot ng mga tao, matagal sila bago nagbalikan sa kanilang tahanan na ang karamihan ay nawasak. Maraming simbahan at gusali na daang taon na ang edad ang nawasak. Halos napulbos ang mga gumuhong simbahan at hindi na maaaring buuin muli. Maraming kalsada ang nabiyak at may mga lugar na halos ay nahukay o nalubog dahil sa lakas nang pagyanig. Isang taon na ang nakalilipas subalit ang pinsala nang tumamang lindol ay malinaw nakikita ng mga kawawang residente.

Sabi ng mga residente, nasa 70 percent pa lamang ang natatapos at hindi nila malaman kung kailan maibabalik ang nasirang lugar. Masyadong mabagal ang pagsasagawa at pagkukumpuni ng mga nasira. Usad pagong ang paggawa o pag-rehabilitate sa nasirang 20 municipal hall at mga barangay hall. Maski  ang public market ay halos hindi pa umano nauumpisahan. Marami pang public school ang hindi nagagawa kaya kawawa ang kalagayan ng mga mag-aaral.

Ang mabagal na paggawa sa mga nasira ay isinisisi naman sa mabagal na pagpapalabas ng pondo ng national government. Noong nakaraang Hunyo lamang inihayag ang allocation ng P2.6 billion para sa rebuilding ng Bohol. Nakapagtataka naman kung bakit ganoon kabagal ang pagpapalabas ng pondo. Hindi nga kataka-taka kung abutin nang napakatagal ang pagsasagawa ng mga nawasak.

Dati maraming turista ang dumadayo sa Bohol pero ngayon ay mabibilang umano sa daliri sapagkat napakabagal ng rehabilitation. Maraming tourist attraction sa Bohol kaya nararapat ang mabilis na pagkilos para muling dagsain ang lugar. Nararapat na mabuhay ang napinsalang Bohol. Huwag sana itong pabayaan.

Show comments