Kailan babalik ang kapayapaan
na dati’y laganap sa loob ng bayan?
Mga bata’y naglalaro sa mga lansangan
na di natatakot ang mga magulang?
Kailan babalik ang dating panahon
bagyong nagdaraan medyo mahinahon?
Ang hanging habagat kung narito noon
kahit nasa bansa’y di katulad ngayon?
Kailan babalik sa ating gobyerno
na di magnanakaw mga pulitiko?
Salapi ng nasyon na para sa tao
inuubos nila sa kunwa’y proyekto?
Kailan babalik pagb’yahe ng tren
sasakyan ng tao, gulay at pagkain?
Hindi naglalagay mga bus owners
kung kaya maluwag ang mga landasin?
Kailan kikilos ating mga pulis
laban sa gawai’t mga misyong panis?
Police scalawags tawag na makinis
sobra na ang yaman ayaw pang umalis?
Kailan babangon ating mahihirap
na ang laging hintay buhay na maluwag?
Kanilang tahanan na laging pangarap
hindi maibigay ng gobyernong huwad?
Kailan babalik sa tuwid na daan
ang pangulo ngayon nitong ating bayan?
Laging nasa labas at pinapayagan
mga kaalyado na nagpapayaman?
Kailan babalik sa administrasyon
magandang palakad ni President Quezon?
Pangulong Magsaysay nang pinuno noon
kalaban ng batas ay kanyang nalipol?