PINAGHARI ng Panginoon si Ciro upang lupigin ang mga bansa. Ibinuka ng Panginoon ang mga pintong-bayan para sa Kanya. Tinawag siya upang tulungan si Israel na lingkod sa bayang hinirang ng Diyos. Sinabi ng Panginoon: “Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.” Purihin ang dakilang kapangyarihan ng Diyos.
Ipinaalala sa atin ni Pablo na dapat gunitain sa harap ng Panginoon ang mga bunga ng ating pananampalataya, na udyok ng pag-ibig at matibay na pag-asa kay Hesus.
Ang mga Pariseo ay nag-usap-usap upang masilo nila si Hesus ayon sa kanyang pananalita tungkol sa buwis. “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat, at itinuturo ninyo ang buong katotohanang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong pinangingimihan sapagka’t pareho ang tingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo? Naayon ba sa kautusan na bumuwis kay Cesar o hindi?” Batid ni Hesus ang kanilang masamang layunin upang Siya ay siluin kaya sinabi Niya: “Akin na ang salaping pambuwis.” Tinanong Niya ang larawan at pangalan na nakaukit sa dinaryo. Sagot nila: “Kay Cesar po” “Kung gayon, ibigay ninyo kay Cesar ang para kay Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos.”
Sa ating panahon ngayon, obligado tayong magbayad ng buwis sa BIR para sa ating mga kalakal, negosyo at pinagpaguran. Ang kay Cesar ay kay Cesar at ang Diyos ay sa Diyos. Bakit naman napaka-kuripot natin sa Diyos, lalo na tayong mga Katoliko. Sinusunod natin si Hesus na hindi tayo dapat magbigay ng ikapu kundi kusang-loob na pagbibigay ng abuloy.
Ang ibang relihiyon ay obligado na magbigay ng kanilang ikapu. Pati ang ibang grupo ng Katoliko raw ay sapilitan din ang kanilang pagbibigay ng ikapu. Bakit po? Tanungin din natin ang ating sarili. Ibinibigay ba natin ang tamang buwis sa ating gobyerno at ibinibigay ba natin sa Diyos ang ating lubusang pagsamba, pagpupuri at paghingi ng kapatawaran sa Kanya? Tamang buwis ba ang isinusulit natin sa bansa at tama ba ang abuloy na ibinibigay natin sa simbahan. “Kay Cesar ay kay Cesar, sa Diyos ay sa Diyos.
Isaias 45:1, 4-6; Salmo 95; 1Tesalonica 1:1-5b at Mateo 22:15-21
* * *
Binabati ko sina John Lester Nogot at Judith Marie G. Lleva sa kanilang kasal kahapon (Okt. 18). Ikinasal ko sila sa Transfiguration Church, Bgy. San Roque, Antipolo City, Rizal.