DATI ang inirereklamo ng truckers ay ang mahabang pila papasok at palabas ng dalawang malaking ports sa Maynila --- Port of Manila at Manila Internatonal Container Port (MICP), pero ngayon ang grabeng corruption at extortion ang idinadaing ng truckers. Kailangang maglagay sa mga “buwaya” na nasa ports para maidiskarga ang container na walang laman. Kung hindi maglalagay, hindi maibababa ang container sa bakuran ng ports at malaking problema ang mga susunod. Walang magawa ang truckers na karamihan ay mga Chinese kundi ang “sumuka” ng pera para maibaba ang empty container. Kung hindi sila susunod sa kagustuhan ng mga “buwaya” apektado ang kanilang negosyo.
Nagsagawa ng inquiry ang Senado ukol sa nangyayaring corruption at extortion sa dalawang ports noong Huwebes. Ang committee ng Senado na nag-iimbestiga ay pinamunuan ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV. Sumbong ng truckers, kapag hindi nila naibalik at naibaba ang empty container on time, magbabayad sila ng charges. Kailangan ay maibalik ang container sa loob ng 72 oras. Pero ang problema ay hindi nga nila maibaba ang empty container kung hindi maglalagay sa mga “buwaya”. Sasabihin umano ng mga “buwaya” na wala na raw pupuwestuhan ng container pero kung maglalagay, mayroong pupuwestuhan. Ayon kay Melesa “Elsie” Chua, executive director ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce, kailangan pang magbigay ng “under the table fees” para lamang ma-accomodate ang mga walang laman na container. Sobra-sobra na raw ang hinihingi sa kanila. Ayon pa sa mga nadidismayang truckers, meron pang hinihingi sa kanilang pang-afternoon snack ang mga “buwaya” sa ports.
Akala ng mga nagrereklamong truckers, wala nang magiging problema pagkaraang alisin ang truck ban pero ngayon ay mas matindi pa ang nangyayari dahil mistulang “pugad ng buwaya” ang dalawang ports. Nakaabang na sa kanilang pagpasok ang mga hayok na “buwaya” at hindi sila papayag na walang mapapakinabang sa truckers.
Hindi kataka-taka kung bakit tumataas ang mga produkto ngayon. Ipinapasa ng mga negosyante ang nagagastos nila sa produkto sa consumers. Ang nagagastos nila sa mga “buwaya” ay dapat bawiin.
Nararapat nang maputol ang masamang praktis na ito sa dalawang ports. Lambatin ang mga matatakaw na buwaya sa dalawang ports at ihagis sa nagbabagang balon.