‘Azucarera de Mama(?)’ (Sugar Mommy)
HUWAG mong hayaan mahiwa ng talim sa labas ng iyong bakuran. Kapag hinayaan mo naman ‘wag mo indahin ang hapdi ng sugat na ikaw rin ang gumawa.
“Sabi ko may asawa’t anak na ako. Ano naman daw? Binata naman siya,” panimula ni Ken.
Mula Bicol Province, nagsadya sa aming tanggapan si Richilda Enano o “Ken”, 28 anyos. Nirereklamo ni Ken ang dating nakarelasyon na si Romeo Gonzaga alyas “Mio” at nagpapakilala umano bilang Engr. Allan Braganza.
Kasal sa asawang si Arnel o “Nel” itong si Ken at magtatatlo na ang anak nila kaya aminado siya na mali ang ginawa niyang pakikipagrelasyon kay Mio.
“Nadala lang ako sa mga pinakita niya sa’kin…” sabi ni Ken.
Taong 2005, sa City Hall ng Maynila unang nagkita (eyeball) sina Ken at Nel matapos maging ‘textmates’. Sa bilis ni Nel, sinama niya si Ken sa Olonggapo kung saan siya nagtatrabaho bilang ‘welder’. Nabuntis agad si Ken. Bago manganak lumipat sila sa Sorsogon sa pamilya ni Nel nung taong 2006.
Parehong taon nagpunta sa Saudi Arabia si Nel at nagtrabaho bilang welder. Kada dalawang taon ang kontrata ni Nel. Maayos ang naging relasyon nila.
Limang taon makalipas nabuntis siya ulit. “Sa mga anak ko at sa tindahan ko sa labas ng bahay na iuupahan namin ako naging abala,” sabi ni Ken.
Taong 2013, habang nasa Saudi ang asawa may hindi rehistradong numero ang tumawag sa kanya. “Arnel… Arnel, nasaan ka?!” sabi daw nito.
“Sinong Arnel?” tanong ni Ken. Sagot ng tumawag, “Si Arnel yung mekaniko ko.” Sinabi ni Ken na Arnel din ang pangalan ng kanyang asawa pero mukhang ibang Arnel ang hinahanap niya. Agad daw nitong pinutol ang tawag.
Inusisa niya ito sa text.“Sino ka ba?” tanong niya. Reply nito, “Allan Braganza… engineer. Taga Naga City.”
Ito na ang simula ng pagte-text nila ni Allan. Sinabi ni Ken na asawa niya si Arnel. Pakilala naman ni Allan, binata siya. Tinanong siya nito kung saan siya nakatira. Ibinigay niya ang kanilang address at bigla raw itong bumisita sa bahay.
Matangkad, nasa edad 30 mahigit, nakapantalon, stripes na t-shirt at sapatos. Ganito inalala ni Ken ang itsura ni Allan ng una silang magkita.
“Ah ikaw pala!” unang nasabi ni Allan ng lumabas ng gate si Ken.
Pinatuloy ni Ken sa loob si Allan subalit umalis daw ito agad. Hapon bumalik ito at may dala na raw burger at halo-halo.
Mas naging madalas ang pagte-text ng dalawa at sinabi raw nitong sa kanyang manliligaw siya. Tumanggi si Ken at sinabing may asawa’t mga anak na siya subalit giit daw nito, “Ano naman? Binata naman ako.”
Aminado si Ken na nadala siya sa panunuyo ng lalaki at napa-“oo” siya sa text, naging sila. Mula nun pumupunta na itong si Allan kanilang bahay.
Isang buwan pa lang silang magkarelasyon naghiram na ito ng Php5,000 hanggang umabot na raw sa Php70,000. “Nung wala na kong mapahiram pinasanla niya sa akin yung ref, washing machine at tv namin. Tutubusin daw niya yung kapag nabayaran siya sa mga project niya,” sabi ni Ken.
Nakiusap din daw ito na kumuha ng motor itong si Ken dahil hindi daw makakuha itong si Allan dahil ‘di siya taga Sorsogon.
Kumuha si Ken ng hulugang single motor sa Motor Trade. Honda Dash ang modelo. Pinahiram niya rin ng cellphone si Allan, N73 Nokia.
“Yung laptop kong ipapare-format sinabi niya siya na magpapagawa pero hindi na niya naibalik sa akin,” sabi ni Ken.
Nasaid umano ang laman ng tindahan ni Ken maging ang kanyang mga kasangkapan nawala na. Hindi na rin siya nakapagbayad sa renta ng bahay.
Umuwi siya sa kanyang mga magulang. Nangako umano sa kanya si Allan na susunduin silang mag-iina at pupunta sila sa Naga City. Lumipas ang buwan hindi na nagparamdam si Allan.“Dito ako nakatunog na naloko ako,” ani Ken.
Isa sa naging mabigat na problema ni Ken ang motor na tangay nito. Hindi na kasi siya nakakabayad kaya’t pinababalik na ang unit sa kanya.
Nagreklamo si Ken sa National Bureau of Investigation (NBI), Naga City. Kasong R.A9262 o Violence against Women and Children ang sinampa niya. Nadismissed ito dahil nalamang mali ang pangalan at address nitong si Allan.
Buwan ng Desyembre, umuwi ng Pinas ang asawa ni Ken. Inamin niya lahat ng ito kay Nel. “Ang akala ko talaga nun, iiwan na niya ako pero inintindi ako ng asawa ko at tinulungan niya ako pumunta sa pulis,” ani Ken.
Sa Philippine National Police (PNP), Sorsogon sila pumunta. Bago pa sila lumapit sa mga pulis. Nakakatanggap na raw si Ken ng tawag at text mula sa nagpakilala umanong Marivic Habac at pinapatubos sa kanya ang motor na sinanla raw ni Allan sa halagang Php33,000.
Gumawa ng entrapment operation ang mga pulis. Nakipagkita si Ken sa kay Marivic sa Grand Terminal, Sorsogon. Lumapit ang isang Normelita de La Cruz. Sinabi nitong nasa loob ng terminal ang motor. Pagdating dun, lumabas bigla ang asawa nitong si Allan de La Cruz at tinanong kung nakokontak niya pa si Engr. Allan. Maya-maya isang Amorsolo Collado naman ang sumulpot.
Inabot niya ang pera na sa ibabaw at ilalim lang ang totoo, sa gitna mga pinutol putil na dyaryo (boodle money) at kinuha ito ni Normelita. Lumapit ang mga pulis at hinuli ang tatlo. Sinampahan sila ng kasong Violation of Anti-Fencing Law of 1979 o PD. No. 1612.
Ayon kay Ken, dito nila nalamang ang Allan Braganza ay pekeng pangalan lang at Romeo Gonzaga ang tunay na pangalan. Kontraktor at ‘di engineer.
Nag-file ng Estafa at RA 9262 si Ken sa Prosecutor’s Office, Sorsogon City. Pebrero 17, 2014, naglabas ng resolusyon si Associate Prosecution Attorney II Marredith B. Carillo-Perez at ito’y DISMISSED dahil lumalabas na boluntaryong binigay ni Ken ang pera at walang pilitan nangyari.
Naglabas din ng Joint resolution ang taga-usig na si Asst. City Pros. Eric Reginaldo para sa kasong Carnapping, Qualified Theft at Estafa na sinampa rin nila, DISMISSED din ito. Ito ang dahilan ng pagpunta sa amin ni Ken. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo, “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi namin para husgahan si Ken sa kanyang sinapit dahil alam niya nung una pa lang tagilid ang kanyang pinasok at aminado naman siya rito. Ang mga criminal case na kanyang kinaso ay ‘di talaga uubra. Kasong sibil na ‘collection of sum of money’ ng maaari niyang isampa laban dito kay Romeo Gonzaga. Ang may habol ka lang ay dun sa motorsiklo na nakapangalan sa’yo. Lagi naming sinasabi na, “Those who come to court should come with clean hands”. Dapat kapag ikaw magrereklamo malinis ang iyong mga kamay. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest