MABILIS dumami ang bilang ng rare tamaraw. Pero bahagyang kumonti ang kalabaw. Ito ang ulat kamakailan ng dalawang grupong siyentipiko.
Sa taunang survey sa Mindoro nitong Abril, 382 tamaraw ang nabilang. Mahigit 10% lundag ito mula sa 345 nu’ng 2013, at 15% mula 327 nu’ng 2012.
Makakamit ang programang Tamaraw Times Two, na layon doblehin ang dami ng tamaraw mula 300 tungong 600 sa taong 2020.
Nararapat purihin ang conservation program ng gobyerno at pribado: Dept. of Environment and Natural Resources, Tamaraw Conservation Program, at World Wide Fund for Nature. Espesyal na parangal sa tulong ng Far Eastern University (na Tamaraw ang pangalan ng varsity team), at ng tribong Tau Buid sa kagubatan ng Mindoro.
Pandak kaysa kalabaw (Bubalus bubalis carabanesis) pero mas mabulas ang tamaraw (Bubalis mindorensis).
Korteng V ang sungay ng tamaraw, maikli ang buntot, at magaspang ang balat. Mabangis din ang tamaraw, at nantutugis ng tao.
Nasa 10,000 ang tamaraw nu’ng mga unang taon ng siglo-1900. Naubos sila dahil sa pagtotroso, pangangaso, at sakit na rinderpest.
Samantala, kumonti ang kalabaw nitong 2014. Sa taunang survey nitong Hulyo, 2.86 milyon ang kalabaw sa maliliit na sakahan. Nabawasan ito nang 29,458 (1.03%) mula sa 2.89 milyon nu’ng 2013.
Pero nadagdagan nang 169,312 (5.92%) ang mga kalabaw sa commercial farms.
Ulat ng Philippine Statistics Authority (Bureau of Agricultural Statistics), 99.57% ng kalabaw ay sinisilang sa maliliit na sakahan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com