ISANG transgender ang natagpuang hubad at patay sa loob ng banyo ng motel sa Olongapo. Ang alam na huling kasama ni Jeffrey Laude alyas “Jennifer” ay isang US Marine. Kasalukuyang nasa bansa ang ilang barkong pandigma ng Amerika para makilahok sa pagsasanay sa pagitan nila at militar ng Pilipinas. Bukod sa bangkay, ilang gamit na condom ang nakita sa silid. Ayon sa mga testigo, pumasok si Laude at ang Amerikano sa motel, at lumabas mag-isa ang Amerikano matapos ang apatnapu’t-limang minuto. Nakita si Laude ng mga maglilinis ng silid. Walang nawawala sa mga kagamitan ni Laude, kaya hindi pagnanakaw ang tinitingnang motibo.
Sa ngayon, hawak ng mga Amerikano ang suspect at ang tatlong kasama nito sa kanilang barko. Inutos rin ni Admiral Samuel Locklear na manatili ang USS Peleliu at isa pang barko sa bansa habang nagaganap ang imbistigasyon. Nakipag-ugnayan na si DFA Sec. Albert del Rosario sa US Embassy, na inaming isang US Marine ang suspect sa pagpatay kay Laude. Ayon sa Visiting Forces Agreement (VFA), ang Pilipinas ang may hurisdiksyon sa lahat ng kriminal na kasong sangkot ang mga Amerikanong sundalo, pero ang Amerika ang magkukulong sa kanila habang iniimbistiga. Sa ngayon, may mga nananawagan na ikulong sa bilangguan natin ang mga sundalo. Pero dahil nga sa VFA, sa kanila makukulong. Tiyak na bala muli ito para sa mga tumutol sa VFA noong pinatupad. Kailangang ipakita ng magkabilang panig na may saysay nga ang VFA, at patas sa lahat ng panig.
Isang kasong “Daniel Smith” ba uli ito, kung saan inakusahan siya sa panggagahasa kay Suzette Nicolas, pero nauwi rin sa wala dahil tila nagkaroon ng kasunduan kung saan babawiin ni Nicolas ang mga akusasyon, kapalit ang pagpunta sa Amerika para maging isang ligal na mamamayan? Ang problema dito ay patay ang biktima, kaya dapat lang kasuhan ang may salarin. Hindi pa napapatunayan na ang sundalo nga ang pumatay kay Laude, pero siya ang pangunahing suspect. Ano naman ang naisip nito para gawin ang ganyang krimen? Na kaya ng Amerika protektahan siya mula sa hustisya ng Pilipinas? Ganyan ba kadali pumatay ng sibilyan ng ibang bansa ang mga Amerikanong sundalo? Ngayon, hindi lang siya at ang kanyang tatlong kasama ang maaantala nang husto, kundi dalawang barkong pandigma ng Amerika! Anong klaseng perwisyo iyan para sa lahat?
Hindi puwedeng hindi mabigyan ng hustisya ang biktima. Hindi puwedeng idaan sa areglo, hindi puwedeng mauwi sa wala. Sana hindi na naman mauwi ito sa mga pangako na hindi naman pinatutupad, tulad ng pagbayad ng multa sa mga nasirang bahura sa Tubbataha Reef ng USS Guardian. Hanggang ngayon ay sinisingil pa sila. Ibang usapan na ang pagpatay sa isa nating mamamayan. Nangako ang US Embassy na makikipag-ugnayan sila sa imbestigasyon. Ang tanong, kung sakaling mahatulang may sala ang suspect, saan ikukulong ito? Dito na magsisimula ang masalimoot na debate.