^

PSN Opinyon

‘Matansero laban sa Higante’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

HUWAG kang kampante dahil matangkad ka at maliit ang kaaway mo. Sa isang bara-barang laban patas lang ang tsansa ng isa’t-isa. 

“Sanay siyang kumatay ng baboy, sa isang araw mahigit sa dalawampu ang kanyang hinihiwa-hiwa. Isang gabi ang tatay ko naman ang binalingan ng matanserong ito,” hinaing ni ‘Sally’.

Si Rizalia “Sally” Herrera-Fegi, 36 anyos ay dalawang taon ng ipinag­lalaban ang pagkamatay ng noo’y 61 anyos na ama, si Ciriaco Herrera o “Boying”. Bunso sa apat na magkakapatid si Sally. Lahat sila meron ng sariling mga pamilya. Ang panganay niyang anak ang kasama ng ama at inang si Susan sa kanilang bahay sa Caloocan City.

Sa loob ng 23 taon, ‘family driver’ si Boying ng among si Gilberto Legaspi. Nung ma-‘stroke’ siya dalawang taong nagpagaling si Boying sa bahay. Nung bumalik ang dati niyang lakas naging taga bantay naman siya ng katayan (slaughter house) na pagmamay-ari ng mga Cunanan.

“May mga pinapakatay na baboy ang amo ni Papa dun. Siya ang taga-bantay sa gabi. Sa umaga naman drayber siya ng pamilya Legaspi,” ani Sally.

Maayos ang pagtatrabaho ni Boying. Masipag at tapat daw ang kanyang ama. Wala rin siyang naging kaaway maliban kay Ranulfo Capintog mas kilala sa tawag na “Arnold”, 42 anyos. Matansero ng baboy nila Legaspi at ng iba pang nagpapakatay sa slaughter house.

“Madalas niyang sitahin ito dahil pakiramdam niya ginugulangan nitong si Arnold ang mga kliyente nila. Ang pagkakalam ko nagpupuslit ng lamang loob ng baboy si Arnold. Alam din yun ng mga taga dun. Aalisin na dapat siya pero sinabi ni Papa na ‘wag dahil may pamilya,” wika ni Sally.

Ayon kay Sally, minsan nabangit ni Boying sa asawa na binantaan umano siya ni Arnold na papatayin kapag natanggal sa slaughter house. Bagay na ‘di niya masyadong binigyang pansin dahil sa isang tingin ang laki ng agwat nila sa taas. Si Boying lagpas anim na talampakan ang tangkad habang si Arnold ay 5’2” lang.

Ika-21 ng Hunyo 2012, 2:00 ng umaga, may kumatok sa bahay nila Sally,

“Yung tatay mo may tama sa dibdib nasa Pagamutang Bayan!”, sabi nito.

Pag-akyat nila sa highway, nandun na ang anak ng amo ni Boying at sinamahan sila sa ospital. Nakita niya ang kama na may nakatalukbong na katawan. “Patay na pala si Papa…” wika ni Sally.

Ayon sa salaysay, na ibinigay ng mga tumayong saksi na si Sebelina Florendo Salas at Antonio Salas, bandang 12:55 ng madaling araw, ika-21 ng Hunyo 2012, habang nasa tapat sila ng kanilang tindahan sa kahabaan ng Lapu-Lapu Extension, Brgy. 8, Caloocan City, nakita nila sa kabilang kalasada, sa kaliwang bahagi ng gate ng Cunanan Slaughter House na sinasaksak nitong si Arnold si Boying na noo’y nakaupo.“Itong si Capintog ay nakayuko habang inundayan ng saksak ang walang kalabanlaban na biktima at naririnig pa namin na sumisigaw ang biktima na “Hoy huwag” subalit hinid natinag ang suspek sa kanyang ginagawa,---laman ng salaysay.

Pinagpatuloy daw nito ang kayang pag-unday. Matapos nito’y mabilis  siyang tumalilis patungo sa Dagat-Dagatan Avenue, Caloocan City.

Tumayo pa itong si Boying at lumakad papasok sa loob ng compound subalit matapos makailang hakbang bumagsak na siya. Nakita niyang bumulagta ang biktima na parang puno na dahan-dahan na bumuwal.

Tumestigo rin ang compound guard na si Jonathan Asero siyang nakakita rin daw sa ginawang pagsaksak ni Arnold kay Boying.

Agad na sumigaw si Jonathan upang maalarma ang suspek pati ang ibang mga empleyado na noon ay abala sa kanilang trabaho sa loob ng katayan subalit hindi natinag o nabulabog ang suspek tuloy-tuloy ito sa pagsaksak.

“...agad umalis ang suspek dala ang patalim na ginamit niya at nakita ko na bumulagta ang biktima na duguan hanggang sa nagsilapitan ang ibang matansero at isinakay nila sa pick up at dinala sa hospital,” base sa salaysay.

Sa ibinigay na salaysay ng isang matansero na si  John Mosente Yapi: naabutan niyang nakabulagta na si Boying na noo’y hawak ang kanyang kaliwang dibdib. Sa kanilang pagtatanong, nalaman nilang bago pa maganap ang insidente, hindi lang dalawang beses nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa.  

Madalas daw kasing masita at mapagsabihan ni Boying si Arnold dahil magulang umano ito sa trabaho na pansin din daw  ng lahat kaya’t wala siyang makasundo. Napagsabihan na raw siya ni Boying subalit walang nangyari

Nahuli pa raw ni Boying si Arnold na nagpupuslit ng lamang loob ng karne ng baboy. Pinigilan siya ni Boying sagot daw ni Arnold, “Wala kang pakialam!”.

Nakarating daw sa boss nila ang ginagawa nitong si Arnold.

“Kinausap siya ng boss namin at pinagsabihan. Galit na galit si Arnold at nagbanta siya at sinabi niya na papatayin niya si Pareng Boying kapag natanggal siya sa trabaho. Ayaw na ayaw ni Arnold na kokontrahin at kokontrolin siya,” laman ng salaysay.

Mga saksak sa katawan sa dibdib na tumagos sa baga ang naging dahilan ng pagkamatay ni Boying. Nagsampa ng kasong Murder ang pamilya Herrera laban sa mantanserong si Arnold sa Prosecutor’s Office Caloocan City. Nagkaroon ng pagdinig ang kaso subalit nagtago na itong si Arnold.

Nailabas na ang resolusyon ng kaso at naibaba na ang ‘warrant of arrest’ para kay Ranulfo Capintog aka Arnold para sa kasong MURDER. Pirmado ito ni Judge Remigio M. Escalada Jr. ng RTC, Branch 123, Caloocan.

Kahilingan ni Sally maisulat ang sinapit ng ama at mailagay sa dyaryo ang larawan ni Arnold sa aming pitak. Itinampok namin si Sally ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malinaw na may elemento ng murder na pataksil (treachery) at pinagplanuhan niyang patayin ito (pre-meditation) dahil ng umupo siya sa bangketa at hinintay niyang dumating si Boying ng tumabi ito sa kanya sunod-sunod na niyang sinaksak ito.

Sa mga taong makakapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Ranulfo Capintog Jr. o Arnold makipag-ugnayan lang sa mga numero sa ibaba.

Pinapunta namin si Sally Sr. Supt. Ariel Arcenas, Chief of Police ng Caloocan at iniutos naman nito sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na tugisin ang matanserong si Arnold. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

vuukle comment

ARNOLD

BOYING

CALOOCAN CITY

NILA

SALLY

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with