NAKITA sa CCTV ang dalawang armadong lalaki na sumakay ng taxi matapos mangholdap ng pampasaherong jeepney. Malinaw na kasabwat ang drayber ng taxi sa naganap na krimen. Dahil sa nakuhang video, nalaman kung sino ang drayber ng taxi dahil nakita rin ang pangalan ng kumpanya. Positibong itinuro ng mga biktimang pasahero ang drayber, kaya hinuli at kinulong. Hindi pa nahuhuli ang mga kasabwat sa holdap.
Ganito na ang ginagawa ng ilang drayber sa Metro Manila. May sideline na krimen. Bigla na lang may papasok na mga armadong tao sa loob ng taxi na may pasahero na, mga insidente ng pagbuga ng pampatulog sa aircon para kapag nakatulog na ang pasahero, magagawa na ang kahit anong gusto nila.
Dumadami na nga ang mga krimen kung saan sangkot ang mga drayber ng taxi. Wala bang pananagutan ang kumpanya o may-ari ng taxi kapag nasangkot ang drayber sa krimen? Maraming kumpanya ang hindi naman mahigpit sa pagpili ng mga drayber para magmaneho ng mga sasakyan nila. Kaya maraming drayber ang naaaksidente dahil sa totoo lang, hindi naman nagsanay para maging propesyonal na drayber.
Pero mga drayber na kriminal? Bakit sila nakakalusot sa NBI clearance na kinakailangan bago makapasok ng trabaho? O nagiging kriminal na lang basta-basta? Ganun pa man, para mas maging maingat ang mga kumpanya sa pagkuha ng mga drayber, dapat managot rin sila kapag nasasangkot sa krimen ang empleyado. Bakit hindi lagyan ng CCTV ang loob ng taxi na nakatutok sa drayber at lugar ng pasahero, na kahit anong oras ay pwedeng makita ng operator? Alam ko magagawa iyan, tulad ng nakalagay sa ilang pampasaherong bus. Malaking balakid ang mga CCTV ngayon at tulong para sa mga otoridad na mahuli ang mga kawatan. Hindi na talaga biro ang krimen ngayon. Kahit saan na lang puwedeng maganap. Malapit pa naman ang kapaskuhan at tiyak, magiging aktibo nang husto ang mga kriminal at ang kanilang mga kasabwat, tulad ng mga drayber ng taxi.