SABI ng Department of Finance, umabot sa P51.4 billion ang nalikom na buwis ng pamahalaan sa unang taon ng implementasyon ng “sin tax” noong 2013. Nahigitan daw nito ang tinatarget na koleksyon na 34.1 billion.
Ang labis na ipinagtataka ng marami ay ito: Kung totoo man na nakalikom ng dambuhalang revenue ang gobyerno sa pagpapatupad ng buwis sa sigarilyo at alak, bakit biglang pumasok sa merkado ang mga foreign brands na sigarilyo sa halagang mas mura? Unfair competition ito para sa ating local na industriya.
Sa obserbasyon ng isa kong kaibigan, sinabi niya na ang local na sigarilyong Marlboro ay nagkakahalaga ng P4 kada stick sa tingian. Pero bakit daw ang mga imported na sigarilyo tulad ng Pall Mall ay mas mura at nagkakahalaga lamang ng P1.50, at ang imported Lucky Strike naman ay nagkakahalaga lamang ng P2 kada stick?
Hindi ako magtataka kung ito’y mga smuggled na sigarilyo pero mayroon itong selyo ng BIR, patunay na binayaran ang takdang buwis ng mga ito. Kaya ang tanong ay, sinadya ba na magkaroon ng ganyang unfair competition na pumapabor sa mga dayuhang manufacturers.
Isa pang tanong ng kaibigan ko ay ito, manipulado ba ng mga dayuhang manufacturers ang sin tax para mas bumenta ang kanilang mga produkto.
Nang bago mapagtibay ang bill sa sin tax ay todo suporta ako rito dahil alam kong sa pagtaas sa halaga ng sigarilyo ay marami ang maaawat sa bisyong ito.
Marami noon, lalu na sa industriya ng tabako ang nagsasabing kesyo lalaganap ang smuggling at hindi ito makabubuti sa industriya. Ngayon ay napapaisip tuloy ako: Tama ba ang pagsuporta ko sa sin tax?
Naniniwala pa rin ako na tamang suportahan ang ganitong batas.
Ang hindi ko naisip ay ipinatupad ito nang walang safety net para maiwasan ang posibilidad na unfair competition.