Pasahero ng MRT-3: Bahala sa sarili niya

KUNG sasakay ka sa MRT-3, bahala ka sa sarili mo. Kasi hindi pala ginagarantiya ng maintenance provider ang kaligtasan ng pasaheros.

Ito ang panggulat mula sa Senate inquiry nu’ng Miyerkoles tungkol sa commuter rail. At pagpapabulaan ‘yun kay Transport Sec. Joseph Abaya.

Ani Abaya nu’ng una, ginagarantiya umano ng Global-APT ang safety ng pasaheros. Hindi totoo ‘yan, binara siya ni negosyante Robert Sobrepeña. Alam ni Sobrepeña, bilang founder ng Metro Rail Transit Corp., na nagtayo at may-ari ng MRT-3 mula 2000.

Sa kasunduang build-lease-transfer, MRTC ang taga-mentena ng MRT-3 na ino-operate ng DOTC. Tungkulin ng sinomang subcontractor, halimbawa Global-APT, na magsumite ng maintenance reports at safety warranties. ‘Yan ang ginawa ng Sumitomo Corp. bilang subcontractor ng MRTC nu’ng 2000-2012.

Pero DOTC ang kumontrata sa Global-APT nu’ng Sept. 2013-present. Hindi ito nagre-report sa MRTC ng maintenance o nagseseguro ng kaligtasan. Kaya wala rin ma­ipakita ang MRTC sa DOTC. Walang matinong servicer na magwa-warranty ng safety dahil ino-overload ng DOTC ang pasaheros ng tren, lalo na kung peak hours.

Nilalabag ng DOTC ang mga alituntunin niya sa pribadong bus, taxi, jeepney, barko, at airlines. Tungkulin ng operators ihatid ang pasaheros sa destinasyon. Kapag nasiraan, dapat magdispatsa sila ng backups, o isoli ang pa-sahe. Kapag naaksidente, dapat magdanyos sa nasaktan, at sa nawala o nasirang gamit. Wala lahat nu’n sa MRT-3.

Sa araw-araw na aksidente at breakdown sa MRT-3, nagso-sorry lang si Abaya. Iniismiran ni Press Sec. Herminio Coloma ang madla na mag-bus kung ayaw pumila sa init o ulan, at isapalaran ang kaligtasan.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments