NUONG ARAW KAPAG nakakita ka ng pulis, binabati mo ito at pakiramdam mong ligtas ka sa anumang panganib. Ngayong mga panahong ito, ‘pag pumasok ang mg pulis sa isang kainan, o anumang lugar, isa-isang nagpupulasan ang mga tao. Anyare?
Ika-29 ng Enero 2012… may humintong sasakyan sa tapat ng kanilang tindahan. Nagbabaan ang mga nakasibilyan at armado ng malalaking baril. Kumatok ang mga ito sa bahay ng kanyang kapatid.
“May search warrant kami!” sabay pasok at halughog. Ganito nahuli ang kapatid ni Jennifer Almario, 38 taong gulang, nakatira sa GMA Cavite na si Anacito, isang ‘construction worker’.
“Dalawang search warrant ang dala nila isa para kay Anacito Cayas at ang isa ay kay Avelino Cayas,” wika ni Jennifer.
Pumasok sa loob ng bahay ang grupo ng kalalakihan at naghalughog sa lahat ng sulok ng bahay.
Ang pulis na naghanap sa itaas ng bahay ay bumaba sa unang palapag kung saan ang bahay ni Avelino at dun naghanap ngunit walang nakita.
Ilang sandali pa ang nakalipas may narinig silang sumigaw. “Ito na!”Nakita na umano ang baril na hinahanap nila.
Sinampahan ng kasong RA 8294 o Illegal Possession of Firearms and Ammunitions si Anacito dahil sa pagkakakita sa baril.
Agad itong dinala ng mga pulis sa presinto at ikinulong doon.
May isinumiteng pinagsama-samang salaysay sina PO3 Eduardo Molas, PO2 Czar Paulo Agapito at PO1 Michael Angat noong ika-20 ng Enero 2012. Nakasaad dito na noong Disyembre 28, 2011 may nakarating sa kanilang impormasyon na itong si Anacito at kapatid na si Avelino ay may hawak na kalibre .38 na rebolber at ammunition sa kanilang lugar.
Ipinarating nila ito sa kanilang Chief of Police na si P’SInsp. Juan Oruga Jr. Nagsagawa sila ng ‘surveillance at casing operations’ upang alamin kung gaano katotoo ang naturang impormasyon.
Ika-30 ng Disyembre 2011 bandang alas kwatro ng hapon nakita raw nila si Avelino at Anacito na may dalang kalibre .38 rebolber sa inuman.
Enero 17, 2012 beneripika ni P/SInsp. Oruga Jr. sa Firearms at Explosives Division ng Camp, Crame kung ang mga taong ito ay rehistradong nag may-ari ng baril ngunit lumabas ditong hindi sila nakarehistro. Dito na sila nag-apply ng ‘search warrant’.
Galing ito sa Regional Trial Court (RTC) Branch 15 ng Naic, Cavite. Pirmado ito ni Judge Lerio C. Castigador.
Ayon naman sa salaysay ng mga pulis na sina PO1 Jericho Torres, PO1 Ryan Francisco alas singko ng umaga ng nasabing petsa sa utos ni P/SInsp. Juan Oruga Jr. na ipatupad ang search warrant. Kasama nila ang ilang pulis ng GMA Cavite na sina PO3 Molas, PO2 Agapito, PO2 Daisy Diones, SPO1 Loreña, PO1 Angat at Kagawad Nestor Omia.
Sina PO1 Torres at PO1 Francisco ang naatasan na maghalughog habang sina PO1 Angat at PO1 Lachica ang magbabantay ng seguridad at tatayong testigo si Kagawad Omia.
Kumatok sila sa bahay ni Anacito. Nagpakilalang pulis at ipinakita ang hawak na dokumento. Nakita ni PO1 Francisco ang isang kalibre .38 na rebolber na walang serial number at bala na nakatago sa ilalim ng lagayan ng mga laruan ng bata sa sala.
Matapos ang ginawang paghahalughog pinapirma nila si Anacito ng Certificate of Orderly Search at Receipt of Items Seized upang magpatunay na sila’y maayos, malinis at ayon sa batas ang ginawang pagtupad sa tungkulin. Inaresto na si Anacito at dinala sa himpilan ng pulis.
Kwento ni Jennifer si Jessie Nastor umano ang may kagagawan ng lahat. Siya ang naging ‘deponent’ o nagdenunsyo ng malisyosong sumbong na merong baril sa bahay ng mga ito.
Ilang ulit nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang kanyang kapatid dito. Halos dalawang beses na raw itong pinakulong ni Jessie dahil nagkakasakitan sila. Naayos lang ito dahil nagkakaaregluhan.
“Asset kasi yan ng pulis kaya malakas dun. Yung pamangkin ko nang mangyari ang paghalughog nakita niya raw na may inilagay ang isang pulis pero dahil sa takot hindi na siya nagsalita,” ayon kay Jennifer.
Nagbigay din ng kanyang panig si Anacito, ayon sa kanya nang buksan niya ang kanilang pinto nagulat siya dahil may mga armadong kalalakihan na may dalang mahahabang baril.
Nagpakilala itong mga pulis at amoy alak umano ang mga ito. Ipinakita sa kanya ang search warrant at bigla na lang daw pumasok sa kanilang bahay.
Hinalughog ng mga ito ang kanyang kwarto at ang ilan pang bahagi ng bahay.
Nang walang makitang baril ang mga pulis ay dinala umano siya ni PO1 Agapito sa ibabang bahagi ng bahay kung saan nakatira ang kanyang kapatid na si Avelino. Hinalughog din ang bahay na yun.
“Nakita ko si PO1 Balaso na hinalungkat ang ilalim na bahagi ng lagayan ng telebisyon ng kapatid ko na may mga laruan na manika, wala pong nakitang baril,” ayon kay Anacito.
Maging ang ilang pulis na nandun ay wala ring nakitang baril. Maya-maya nakita ko si PO1 Agapito na papasok sa bahay ng kapatid ko at tinanong kung natingnan na ba ang lagayan ng telebisyon. Sumagot ang mga ito na nakita na.
Dinampot na si Anacito. Sinabihan umano siyang “Kahit wala rito ang kapatid mo, akala mo libre ka, ikaw ang dadalhin namin.”
Pinilit umano siyang papirmahin sa isang dokumento. “Pirmahan mo, gago ka, tatamaan ka sa amin,” wika umano ni PO1 Agapito.
Sa takot niya ay napilitan siyang pirmahan ito. Isinakay na siya sa kotse “Patay ka ngayon, alam mo kung sino ang nagpahuli sa’yo. Si Jessie Nastor ng MACTAF,” sabi umano ng drayber sa kanya.
Naglagak sila ng piyansang Php25,000 mula sa orihinal na Php60,000 matapos mag ‘motion to reduce bail’ para sa pansamantalang paglaya ni Anacito.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Jennifer.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang sinasabi ni Jennifer na tinamnan lang ang kanyang kapatid ng mga pulis ng baril, bakit kaya nila gagawin yun? Parating tinitignan ng korte na may ‘sense of regularity’ ang kanilang ginawa at sakop na kanilang trabaho.
Maingat sila sa ganyan sapagkat kung ano ang karampatang parusa nakapataw sa taong nag-iingat ng baril na walang lisensya ay yan din ang magiging parusa ng nagtanim ng ebidensiya.
Ito ang isinabatas ni yumaong Senator Robert Barbers. ‘Planting of
Evidence’ ang tawag d’yan at ito ay karaniwang ginagawa sa mga kaso ng droga kung saan kinikikilan ang taong kanilang hinuhuli ng malaking halaga.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038