WALANG maipagmamalaki ang administrasyong Noynoy Aquino sa mga overseas Filipino workers. Kung tutuusin, dapat nga ito mahiya sa mga “boss” niya na nagsasapalaran ng buhay para sa konting kita.
Inulat na $25.2 bilyon ang ni-remit ng 11 milyong OFWs nu’ng 2013. Kung gay’un, $2,291 o P103,100 ang average na padala ng bawat OFW nu’ng taon. Aba’y P8,600 lang ito kada buwan. Sapat lang ito para sa buwanang pang-dormitoryo, pangkain, at pamasahe ng isang anak na nagko-kolehiyo sa siyudad. Hindi pa nakuwenta ang para sa ibang anak.
Biruin mo, nililisan ng OFW ang piling ng asawa’t mga anak, at tinataya ang buhay sa dayuhang amo na maaring malupit, sa liblib na bansa na maaring war-torn, para lang sa katiting na buwanang ipon. Kalunos-lunos!
May magsasabing hindi naman lahat ng OFWs ay hikahos. Totoo ‘yon. $4 bilyon ang inuwi ng 366,865 Filipino seafarers nu’ng 2013. On average, $10,903 o P490,644 ang sa bawat isa. Malaki-laki ito: P40,887 kada buwan. At meron ding magsasabi na hindi naman laki ng kita ang pakay ng ilang OFW, kundi kasarinlan o kakating-paa lang. Totoo rin.
Pero hindi maikakaila na karamihan sa kanila ay nangingibambansa dahil walang disenteng trabaho sa Pilipinas. Layon nilang kumita ng sapat na pambili ng pinaka-mahusay na edukasyon para sa mga anak.
Pero labis ang sakripisyo’t peligro. Kada taon mahigit 3,000 OFWs ang nakukulong, at 800 ang napapatay sa estrangherong bansa. Sinuri ni Vicente K. Fabella, pangulo ng Jose Rizal University at dati ng Philippine Association of Schools, Colleges and Universities, ang pamilyang OFW. Lumalabas na isa sa bawat apat ay broken family. Kayod nang kayod si ama o ina sa ibang bansa para mapag-kolehiyo ang mga bata. Pero lumalabas na isa sa bawat apat din ay nagda-dropout dahil kulang sa tutok ng magulang. Nawalang-saysay ang sakripisyo at peligro ng OFWs.