‘Megan’s Law’

ISTRIKTONG binabantayan ng mga awtoridad ang bawat kilos at galaw ng mga “sex offender” sa bansang Amerika.

Sila ang mga indibidwal na sangkot sa krimeng may kinalaman sa pang-aabusong sekswal partikular sa mga menor de edad.

“Markado” na sila habambuhay. Kinakatakutan at iniiwasan sa mga komunidad.

Sa bawat syudad, karapatan ng mga residente na malaman kung sino ang mga sex offender sa kanilang lugar para masigurong ligtas sila partikular ang mga batang babae.

Kaya naman, bawat sex offender, nakalagay ang panga­lan, mukha, address at lahat ng mga pagkakaki­lanlan sa free public website sa Estados Unidos. Ito ay alinsunod sa ipinaiiral na batas o ‘yung Megan’s Law.

Maliban dito, obligado ring mag-report ang isang sex offender sa kanilang nakatalagang parole officer, limang araw bago at pagkatapos ng kanilang kaarawan at kung lilipat man sila ng tirahan.

Para ma-monitor ang kanilang mga lokasyon, mayroong nakalagay na global positioning system tracker (GPS) sa kanilang mga binti.

Hindi tulad ng mga parolado o lumayang indibidwal na may kasong pagpatay o pagnanakaw, mas mahigpit ang trato ng law enforcement agencies sa mga sex offender.

Kaya ang marami sa mga on-parole status sa kasong ito, matakasan lang ang kanilang krimen, pilit na nagtutungo sa ibang bansa. Isa ang Pilipinas sa mga nakikita nilang takbuhan at “palaruan.”

Bukod kasi sa walang batas na nauukol sa mga sex offender, madali lang ang pagkuha ng dual citizenship.

Aminado ang Bureau of Immigration (BI) na wala silang kapabilidad na matukoy ang totoong pagkakakilanlan ng isang aplikante sa estado sa pinanggalingan nitong bansa, dating pamumuhay at kinasasangkutan krimen.

Ito ang butas ng ating batas na kumakanlong sa mga kriminal kaya pinipili nila ang Pilipinas na gawing lungga at paghasikan ng lagim.

Taong 2009 nang maidokumento ng BITAG Investigative Team sa California, USA ang ganitong mga kaso.

Hamon ng BITAG sa mga mambabatas, i-prayoridad ang pagpapanukala ng mga batas laban sa sex offenders na pumapasok sa Pilipinas upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan partikular ng mga kababaihan.

Para sa mas malawak na kaalaman sa mga sex offender, mag-log in sa bitagtheoriginal.com click Bitag New Generation, Megan’s Law’s.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments