BANDANG 8:30 ng gabi… dinuduyan siya ng malaking sanga ng punong-mangga bigla na lang tumigil ang ugoy at naramdaman niyang may mainit na palad na dumikit sa kanyang mga tenga.
“Namulat ako…tumingala. Naalimpungatan ako ng makitang may mama na sa uluhan ko,” kwento ni ‘Nong’.
Mula Lingayen, Pangasinan nagsadya sa aming tanggapan si Franky “Nong” Cagaoan, 32 anyos. Kinwento ni Nong sa amin ang kanyang sinapit habang nakaduyan siya sa silong ng mangga sa loob ng kanilang bakuran.
Hinawakan sa magkabilang tenga, pinalibutan at saka pinosasan. Ganito umano ginising si Nong ng mga tauhan ng Barangay Wawa, Lingayen.
“Mismong si Kap Jonathan Ramos ang nagposas sakin,” ayon kay Nong.
Tubong Wawa ang pamilya ni Nong. Kasalukuyan siyang nakatira sa bahay ng tiyahin sa Sitio Tibag. Kasama ang kanyang lola, ka-‘live in’ na si Arlene Teope at limang anak.
Maayos naman nung una ang pagtira nila Nong sa lugar. Sa katunayan naging tanod pa raw siya ng kanilang barangay. Marami raw siyang naengkwentro isa na rito ay nung umawat daw sila sa dalawang nag-aaway.
“Nung huli kami pa nakasuhan, nanggulpi raw kami,” ayon kay Nong.
Nagkabaranggayan daw nun at napatunayan umano niyang ‘di siya gumulpi.
Nang matapos ang termino ng kanilang kapitan napalitan na rin ang mga tanod. Kabilang si Nong sa natanggal.
Ika-30 ng Agosto 2014, umaga pumunta ng Sitio Basing si Nong para magluto sa “Ika-40 araw” ng kanyang lola. Nagkainuman silang magpipinsan ng tuba. Tanghali, umuwi na sila. Dumiretso raw siya sa bukid at kumuha ng mga damo para sa alagang baka. Bandang 3:00-4:00PM nagluto na siya ng gabihan.
“Pagkakain namin ng gabihan nagyosi ako at dumiretso sa duyan. Masarap ang magpahinga sa silong kapag ganung oras malamig ang hangin,” sabi ni Nong.
Suot lang ang kanyang ‘jersey shorts’ nakatulog sa ugoy ng duyan itong si Nong habang nakasabit sa kanyang leeg ang kanyang t-shirt.
Isang oras makalipas, bigla na lang may humawak sa magkabila niyang tenga. “May bigat yung paghawak sa akin,” ani Nong.
Pagmulat ni Nong, tumingala siya at nakita umano niya si Brgy. Kagawad Jeofrey Ramos, kapatid ni Kapitan. Habang pinalilibutan daw siya nila Pepe Reyes, Roger Delos Santos, Amadeo Aquino, Antonio Yangao, Dominador Dela Cruz, Rodolfo Ramos.
“Bakit?” tanong ni Nong. Hindi pa siya nakakatayo sa duyan bigla umano siyang pinosasan ni Antonio “Diony” Yangao. Utos umano ito ni Kapitan.
Sinubukang kumalas ni Nong subalit ayon sa kanya, kinarga siyang parang baboy ng mga taga barangay.
“Ang ginawa ko humawak ako ng mahigpit sa duyang nakasabit sa puno pero wala akong nagawa binuhat pa rin ako nila Diony, Dominador at Roger paalis sa duyan,” sabi ni Nong.
“Sige dalhin na yan!” utos umano ng kapitan.
Ayaw lumabas ng bakuran nitong si Nong. Nakiusap pa raw siya sa mga itong magbibihis muna siya. “Sabi ko magti-tshirt ako pero nakayapak ako ng buhatin nila,” dagdag pa niya.
Lumapit ang kanyang misis na noo’y karga ang kanilang isang taong gulang na anak. “Bitawan niyo asawa ko. Walang kasalanan yan! Kapag dinala niyo yan sasama ako…” sabi ni Arlene.
Walang nagawa si Arlene, tinulak pa raw siya ng mga taga Barangay at tumalsik pa umano habang karga ang kanilang anak.
Agad na sinakay si Nong sa Isuzu Crosswind na pagmamay-ari umano nila Jonathan at diniretso siya sa Police Station sa Munisipyo, Wawa-Lingayen.
Pagdating dun, dun daw nalaman ni Nong ang akusasyon sa kanya.
“May binato ‘tong bahay, may nagreklamo rito sa barangay,” sabi raw nila sa pulis. “Mali itong ginawa niyo sa akin…” reklamo naman ni Nong.
Kwento ni Nong, mabilis siyang kinalagan ng mga tanod matapos silang pagsabihan umano ng mga pulis na mali ang ginawa nilang pag-aresto.
Agad na sumibat ang taga barangay at naiwan si Nong sa presinto. Hindi na nagpang-abot ang mga humuli kay Nong at kanyang kapatid na si Francis.
Pinalipas lang ni Nong ang gabi, kinabukasan nagbalik siya sa presinto at siya naman ang nagreklamo laban dito kina Kap. Jonathan, Brgy. Kagawad Jeofrey Ramos, Pepe Reyes, Roger Delos Santos, Amadeo Aquino, Antonio Yangao, Dominador Dela Cruz, Rodolfo Ramos ng kasong Unlawful Arrest at Trespass to Property.
Nagbigay din ng salaysay ang asawa ni Nong na si Arlene tungkol sa pag-awat niya sa mga ito at siyang pagtulak naman sa kanya habang karga ang kanilang bunso. Tumestigo rin sa nangyaring paghuli ang walong taong gulang nilang anak. Naisampa na ang kasong ito sa Provincial Prosecutor, Lingayen, Pangasinan nung ika-8 ng Septembre 2014.
Itinampok namin si Nong ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo lahat ng kwento ni Nong sa amin, hinuli lang siya ng walang sapat na basehan nitong mga taga barangay at hanggang ngayon wala pa naman umano siyang natatanggap na reklamo papasok ito sa kasong ‘unlawful arrest’. Kung sakali namang ginawa nga niya ang pambabato, dapat dinaan muna nila sa barangay ang reklamong ito at maayos nilang inimbitahan sa kanilang opisina.
Sa kabilang banda, maaaring sabihin ni Kapitan na walang unlawful arrest na nangyari. Inimbitahan siya at kusa siyang sumama at dahil wala namang ‘medico legal certificate’ na nangyari ang taong ito, imposible na nagkaroon ng ganung klaseng marahas na pagkaladkad sa kanya sa presinto.
Hindi rito nagtatapos ang problema nitong si Kap Jonathan, si Nong ay may asawa na nagsabing tinulak umano siya ng malakas habang hawak ang 1 taong gulang na anak at napasubsob sila sa lupa. Kasong ‘Slander by Deed’ ang pwedeng isampa ni Arlene at ang bata naman ay Child Abuse o R.A 7610.
PARA MAGING PATAS naman dito kay Kap Jonathan Ramos inaanyayahan namin siya na magbigay ng kanyang panig para maliwanagan kung may katotohanan ang lahat. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038