EDITORYAL - Kaunting ulan baha agad!

NOONG Miyerkules ng hapon dakong alas   singko ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Kasabay ng ulan ay ang matatalim na kidlat at na-kabibinging kulog. Tila isang bagyo ang nanalasa sa Metro Manila. Halos walang makita ang mga motorista dahil sa malakas na buhos. Zero visibi­lity ang kapaligiaran. Wala pang isang oras ang pag-ulan ay bumaha agad sa maraming bahagi ng Metro Manila. Ang mga binaha ay ang España Blvd., Maceda St. Taft Avenue, Sta,. Cruz area, Sta. Mesa, Nagtahan, Ortigas, Buendia, Pasong Tamo St. at marami pang lugar.

Ang biglang pagtaas ng tubig ay nagdulot ng grabeng trapik. Maraming na-stranded. Inabot ng apat na oras ang traffic. Hindi gumagalaw ang mga sasakyan sapagkat walang madaanan. Marami ang napilitang maglakad para makauwi.

Agad namang inako ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang pagbaha sa maraming lugar. Ang kanilang tanggapan daw ang dapat sisihin sa pagbaha sapagkat hindi pa naisasaayos at nalilinis ang iba pang mga daluyan ng tubig sa Metro.

Maganda naman ang pag-ako ni Tolentino sa nangyaring pagbaha. Subalit sana naman, nakagawa ng paraan ang MMDA Chairman na mai-deploy ang traffic enforcers para nagsaayos ng traffic. Nagkabuhul-buhol ang traffic sapagkat walang nagsasaayos. Ilang buwan na ang nakararaan, sinabi ni Tolentino na may mga enforcer nang magsasaayos ng trapiko sa gabi. Magtatalaga raw siya ng mga traffic enforcers sa gabi para matulungan ang motorista. Hindi tinupad ni Tolentino ang pangako.

Matagal nang problema ang baha sa Metro Manila at walang magawa ang mga awtoridad para masolusyunan ito. Sa halip na bumuti ang sitwasyon, lalo pang naging grabe ang pagbaha.

Bukod sa basura na numero unong dahilan ng pagbaha, ang mga paghuhukay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isa rin sa dahilan kaya may pagbaha. Hanggang ngayon, maraming proyekto ang DPWH at hindi alam kung kailan matatapos ang mga ito. Dapat magkaroon ng ugnayan ang MMDA at DPWH kung papano reresolbahin ang problemang baha.

 

Show comments