EDITORYAL – Air pollution sa Metro Manila
PALUBHA nang palubha ang air pollution sa Metro Manila. Araw-araw ang nakakasulasok na usok ang nalalanghap ng milyong residente sa Metro Manila at nagiging dahilan ng sakit sa respiratory system. Kapag hindi nasolusyunan ang air pollution, magkakatotoo ang isang pag-aaral na sa darating na panahon, hindi na matitirahan ang Metro Manila. Sa umaga pa lamang, mapapansin na ang nakabalot na smog (smoke at fog) sa kapaligiran. Kung hindi kikilos ang pamahalaan, particular ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), maraming magkakasakit at malaking pera ang kakailanganin para pantustos sa mga pampublikong hospital. Babalikatin din ng gobyerno ang pagpapagamot. Bakit hindi pa gumawa ng solusyon ngayon.
Ayon mismo sa DENR, ang mga sasakyan ang nagdudulot ng grabeng pollution sa Metro Manila. Umano’y 70-80 percent ng emissions o usok ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Ang maruming usok na ito ang nalalanghap ng kawawang commuters.
Ang plano ng DENR para masolusyunan ang pollution, lahat nang mga luma at karag-karag na sasakyan ay ipagbawal na sa kalye. I-junk na ang mga lumang sasakyan. Suhestiyon ng DENR sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang mga sasakyang 15 taon pataas ay dapat nang i-phased out. Ang mga lumang sasakyan ay malakas kumunsumo ng gasoline at nagpo-produce nang nakasusulasok na usok.
Maganda ang plano ng DENR pero sana ay noon pa nila ito ginawa para hindi na lumubha ang air pollution. Nasaan na rin ang smoke belching campaign ng DENR? Sa mga nakaraang taon, nagsasagawa sila ng anti-smoke belching subalit nakapagtataka kung bakit biglang nawala ang kampanya. Ningas-kugon lang?
Iligtas ang Metro Manila sa mapaminsalang air pollution. Maawa sa mga susunod pang henerasyon na umaasang may malalanghap pa silang sariwang hangin sa Metro Manila.
- Latest