UNTI-UNTI nang nahuhubaran ng maskara ang kapulisan na nagtatago sa uniporme ng Philippine National Police matapos lumabas sa Twitter ang larawan noong Setyembre 1. Sa unang tingin sa larawan hindi aakalain na “hulidap” ang lakad ng 10 pulis na nangharang sa SUV sa EDSA/Mandaluyong subalit makalipas ang ilang araw, sumingaw ang alingasngas na ang mga sangkot ay police QC. Kaya agad na inaresto si CInsp. Joseph De Vera na naging giya upang makilala pa ang mga sangkot. Bagamat ang ilan ay pinalalabas na sumuko malaking bahid ito sa PNP dahil lumihis sila ng landas. Hindi pa tumitigil si QCPD director Richard Albano sa paghahanap kina SInsp. Oliver Villanueva at na-dismissed police na si Insp. Marco Polo Albano na may pakana ng “hulidap”. Tila “regla” itong nangyari sa PNP dahil hindi paman lubusan na nahuhuli ang kasangkot sa “hulidap” ay nasundan na agad ng kidnapping sa isang Chinese national at ang tinuturo ay ang dalawang pulis-Bulacan. Kinilala ng biktimang si Lin Han Zhang sina PO2 Danilo Sytamco Jr. at PO2 Zerzes Sarmiento ng Malolos Police. Nasundan ito ng reklamo ng abduction with extortion ng anim na Las Piñas Police na sina SPO4 John Miranda, SPO2 Jerry Fernandez, SPO2 Jay de Guzman, PO2 Gil Anos, PO3 Herman Pua at SPO1 Sabbon. Nag-ugat ang pagsibak ni Las Piñas Police chief SSupt. Adolfo Samala sa anim na pulis sa Anti-Crime -Follow-up Unit ng magreklamo si Guillermo Dario sa National Press Club nang kikilan ng P75,000. Ilan lamang iyan sa lumutang na kabalbalan ng ilang pulis kung kaya halos mawalan ng tiwala sa PNP. Hindi naman nagpahuli ang Manila Police District sa kasikatan ng mga tiwaling pulis. Sila naman ngayon ang pinag-uusapan matapos ipag-utos ni MPD director Rolando Asuncion ang pagsibak sa kanila. Nag-ugat ang kautusan ni Asuncion sa walong pulis ng Anti-Carnapping and Hijacking Unit nang magreklamo ng pangongotong si Kamran Khan Dawood, Pakistani national. Sa kasalukuyan nagtatago sina SInsp. Rommel Geneblazo, SPO1 Michael Dingding, Gerry Rivera, Jayan Pertubos, Jonathan Moreno, SPO2 Renato Ochinang at Marvin Dela Cruz. Sa mga pangyayari lumalakas ang ugong na walang kamandag ang laway ni PNP chief DGen. Alan Purisima sa kanyang mga tauhan, kasi siya mismo ay may mabigat na asunto matapos magsawalang kibo sa kanyang SALN at White House sa Camp Crame. Nakikiusap ako mga suki, huwag alisin ang pagtitiwala sa kapulisan dahil marami pa namang mga pulis na handang tumugon sa mga pangangailangan. Ilan lamang ang nalihis ng landas at karamihan ay gumaganap sa kanilang tungkulin. Huwag ding ipagkibit balikat ang pagsangguni ng inyong karaingan sa pulisya at kung mayroon man nagkakamali maari n’yong iparating sa akin at ako na ang magsisiwalat.