MARAMING krimen na nangyayari sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Karamihan ay malalagim at karumal-dumal. Noong nakaraang linggo, sa Bgy. Paligsahan, Quezon City, pinasok ang bahay, pinagnakawan at pinatay ang 75-anyos na ina ng aktres na si Cherry Pie Picache. Wala pang nadadakip ang mga pulis. Kamakailan, sa Bgy. Laging Handa, Quezon City, nakunan ng CCTV ang sapilitang pag-agaw ng isang lalaki sa cell phone ng isang babaing estudyante. Nakipag-agawan ang snatcher sa estudyante. Nang maagaw, mabilis na tumakbo ang snatcher sa naghihintay na motorsiklo. Hindi pa nahuhuli ng mga pulis ang magnanakaw. Noong Huwebes, sa isang barangay sa Mandaluyong, isang babae ang pinatay makaraang pasukin sa kanyang bahay dakong alas kuwatro ng madaling araw. Isang lalaki na armado ng patalim ang nakitang pumasok sa bahay at pinagsasaksak ang babae saka tinangay ang pera nito na nagkakahalaga ng P5,000. Hindi pa rin nahuhuli ang suspek.
Lahat nang mga ito ay nangyari sa barangay. At nakapagtataka na sa lahat nang mga nangyaya-ring krimen sa barangay, ni hindi nasisisi ang barangay chairman, barangay council at maski ang mga barangay tanod. Ang laging sinisisi ay ang mga pulis. Nasaan daw ang mga pulis? Bakit daw walang nagpapatrulyang mga pulis? Wala raw police visibility? Kung anu-ano pang mga paninisi ang sinasabi sa mga pulis.
Pero ano ba ang ginagawa ng barangay? Di ba’t may responsibilidad ang barangay sa nangyayari sa kanyang nasasakupan? Bakit walang nagrorondang barangay tanod sa lugar kung saan pinasok ang bahay ng ina ni Cherry Pie? Bakit walang tanod nang oras na inagawan ng cell phone ang estudyante? Nasaan sila?
Malaki ang natatanggap na Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga barangay. Ngayong 2014, nasa P68.3 billion umano ang IRA ng mga ito.
Kung ganito kalaki ang natatanggap ng bara-ngay, bakit tila wala silang pakialam sa mga nangyayari sa kanilang paligid. Bakit wala na silang silbi?