Parusa ng bagyo?

Ang hangin at ulan sila’y magkapatid

ang panganay nila’y si bagyong masungit;

Sina hangi’t ulan minsan ay nagmasid

at napansin nila ang bansang makitid!

 

Ang bansang nakita’y bansang Pilipinas

sa mapa ng mundo ito’y parang perlas;

Nang sila’y malapit kapwa nanggilalas

ito ay mabaho’t maraming nagkalat!

 

Ang dagat, ang ilog, kanal at estero

puno ng basura at dumi ng tao;

Lagusan ng tubig ay pawang barado

pagkat mga bahay doo’y nakatayo!

 

Walang kaayusan sa loob ng bansa

mga mayayaman ay nagpapasasa;

Mga pulitiko nagnanakaw pa nga

bahay ng mahirap nasa tabing sapa!

 

Dahil sa nakita na ayos ng bansa

sila ay nagsumbong kay bagyong payapa;

Si bagyong tulog pa nagising na bigla

Ito ay nagalit at biglang nagyaya!

 

Mga kapatid ko tayo ay sasaglit

sa maruming bansa na inyong namasid;

Sa tulong ng inyong hangin saka tubig

ating lilinisin ang bansang limahid!

 

Kaya tatlong lakas ang biglang nagdaan

na bagyo at hangin at saka ang ulan;

Malaki’t maliit na mga tahanan

pinasok ng hangin at bahang gabahay!

 

Sa buhos ng ulan at lakas ng hangin

ang lahat ng dako’y sinaklot ng lagim;

Sa dampa at mansion naghari ang dilim --

Sa lakas ng bagyong sa langit nanggaling!

 

Show comments