Supreme Irony

NANG biglain si P-Noy sa Harvard John F. Kennedy School of Government na kung ano ang ginagawa niya tungkol sa mga nakapaligid sa kanyang sangkot sa kontrobersya, tulad ni PNP chief Alan Purisima, isa lang ang kanyang nasabi; “the courts are open.” Ang malinaw na mensahe nito ay dalawa: (1) umiiral dito ang due process of law, na dapat ay patunayan muna ang paratang sa hukuman; at (2) tiwala siya na aaksyunan ito ng hukuman sa nararapat na paraan.

Ang kanyang kumpyansa sa Korte ay 365 degrees na about face sa mga nauna nang binigkas na hamon sa Judicial Branch. “Judicial overreach” ang tinawag sa inaakalang pagmamalabis ng Hukuman sa pakikialam sa mga karapatan at pribilehiyo ng ehekutibo.

Kung tutuusin ay labis nga ang nagiging performance ng Judiciary sa panahon ngayon. Subalit ito’y mabuting kalabisan. Noong Miyerkules, sa launching ng Continuous Criminal Trial Program sa ating mga hukuman, ipinagmalaki ng Punong Mahistrado na ang ganitong mga inisyatibo ay bahagi ng layunin at kampanya ng Hudikatura na maipakitang sila ang “gold standard” sa serbisyo (kontra sa “double standard” na nakasanayan na mula sa Ehekutibo). Ito rin ang dahilan kung bakit naghihigpit sila sa pagdisiplina ng mga huwes – gaya ng pinatupad nilang dismissal kay Sandiganbayan Justice Ong at ang pag-imbestiga sa mga judges na sangkot sa Ma’m Arlene scandal.

Sa legal profession ay dama rin ang bagong kultura ng “accountability”. Ang Integrated Bar of the Philippines ay may mando na ngayong asikasuhin ang mga kaso laban sa mga abogado nang mabawasan ang backlog ng kanilang disciplinary committees. Tila hindi na katanggap-tanggap sa ating mga Mahistrado ang impresyon ng taong bayan na ang Judiciary ay isang “old boys club” o isang samahan kung saan ang mga miyembro ay pinagtatakpan ang kapwa miyembro.

Sa inaasal ngayon ng Pangulo na nag-aabogado pa para sa kanyang mga pinararatangang PNP, NFA, DAR at DBM Chiefs; at pati na sa pag-iwas ng mga Kongresista sa pagsasapubliko ng listahan ng mga miyembrong nakatanggap ng DAP, tila ang Supreme Court na lang ang maasahan nating manguna sa kampanya tungo sa tuwid na daan. Ani Chief Justice Sereno: “We are enablers. We are not obstructionists.”

 

Show comments