ANG DFA at DOLE ay inaatasan ng Saligang Batas, Labor Code, Foreign Services Act at ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act na protektahan ang mga kababayan natin sa ibayong dagat.
Noong nakaraang linggo, sa budget hearings ng mga ahensiya ng gobyerno sa Kongreso, tinanong ko ang DOLE kung ilan na sa kasalukuyan ang bilang ng OFWs. Ang sagot: 4 million humigit kumulang. Nang tinanong ko naman ang DFA, ang sagot ay 8 million kuno humigit kumulang.
Hindi magkatugma ang dalawang departamento kung ilan ba talaga ang OFWs na dapat nilang protektahan. Mabuti pa ang inahing baboy, alam kung ilang biik mayroon siya na dapat alagaan at protektahan.
Sa pagkakaalam ko, ang OFWs ngayon ay 10 milyon humigit kumulang. Ang hinihinging budget ng DOLE para sa proteksyon ng OFWs ay P400 million lamang humigit kumulang. At ang kalahati niyan na P200 million humigit kumulang ay galing pa sa mga kinokolekta ng Labor Attaches bilang verification fees ng labor documents.
Ang hinihingi naman ng DFA sa gobyerno na budget para sa proteksyon ng mga OFWs ay P350 million lamang. Kakapiranggot din. Alam n’yo ba kung bakit? Dahil ang ginagasta ng DFA para sa mga suweldo ng ambassadors, consuls at iba pang kawani ng embahada ay galing din sa mga ibinabayad ng OFWs para sa mga passports nila at mga dokumento na pinaa-authenticate nila sa mga embahada.
Katulad ng DOLE, obligasyon ng DFA na protektahan ang OFWs. Dapat galing sa gobyerno ang pera na gagamitin para sa kanilang proteksyon at hindi galing sa OFWs mismo.
Paiimbestigahan ko sa Kongreso sa mga susunod na araw ang irregularidad na ito. In the meantime, dapat magtrabaho nang husto ang ambassadors, labor attaches at welfare officers para sa kapakanan ng OFWs na nagpapasuweldo sa kanila.