HINDI tinatantanan ni P-Noy ang pagmamalaki sa nagawa niyang pagpapakulong kina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Juan Ponce Enrile. Hanggang sa Amerika, bukambibig ang itinuturing niyang simbolo ng tagumpay ng kanyang kampanyang ituwid ang daan. Kung tutuusin, dahil sa malaking pangalan at kasikatan ng mga personalidad, maituturing nga itong simbolo. Big Fish! Subalit simbolo rin ito ng iba ring mga kahulugan.
Una ay simbolo din ito ng “selective justice” o “double standard” na pinapairal ng Aquino administration. Bakit nga ba na hanggang ngayon ay hindi pa nasusundan ng demanda ang iba bang mga batch ng Cabinet member at mambabatas na nasangkot din sa kontrobersya ng PDAF? Nung una itong pumutok ay pinagpiyestahan ng media. Ramdam natin na halos hindi na matulog ang Senate Blue Ribbon Committee, ang Department of Justice at ang Ombudsman sa pagbuo ng reklamo at ebidensiya. Nang maaresto na at makulong ang tatlo, tila nanlamig ang mga ahensya sa pag-imbestiga. Hindi tuloy maiwasan ang hinala na may pinuproteksyunan silang mga kakampi.
Higit dito ay simbolo ito ng pag-busal at pag-pressure sa oposisyon. Ang pinakamaingay na resulta ng pagkakulong ng tatlong Senador ay ang pananahimik ng kritikal na komentaryo sa mga gawain ng gobyerno. Kung dating maasahan nating may tatayo at mangunguna sa pagbulgar at pag-expose sa katiwalian ng pamahalaan (gaya ng ginawa ni Sen. Jinggoy nang ibuko niya ang mga lihim ng DAP), ngayon, dahil sa pagkakulong ng tatlong oposisyonista ay nabawasan ang bilang ng mga tumitindig sa Senado. Ang “sulo ng kaliwanagan” ay ipinasa kina Toby Tiangco, Neri Colmenares at iba pang matapang na kongresista na hindi nakakalimot sa kanilang sinumpaang katungkulan.
Kahit gaano man kalinis at kasinsero ang isang administrasyon, mahalaga pa rin na may gumaganap sa papel ng oposisyon. Mataas man ang rating ng isang Pangulo, hindi ito katwiran upang isawalang bahala ang kritikal na komentaryo. Sa kasaysayan ng Pilipinas, tanging sa martial period lang nangyari na binusalan ang oposisyon. Nakita naman natin kung papaano ito natapos. Kapag ang daan ay matuwid lang, nandyan ang temptation na kumaskas nang husto. Kailangang merong humps para maiwasan ang over speeding.