Hindi ko lubos maisip paano natin binibenta ang ating bansa bilang leading tourism destination dito sa Asya gayong napakalaki ng problema ng ating mga pangunahing paliparan gaya ng Ninoy Aquino International Airport terminals 1 and 2.
Hindi na bago ang pangit na reputasyon ng NAIA airport natin na tinagurian ngang worst airport sa buong mundo.
Sa hinaba-haba ba naman ng panahon na naging worst airport in the world ang NAIA akala ko nga ay may makabuluhang hakbang nang ginawa ang mga otoridad sa ating paliparan.
Buong akala ko na ang mga problema gaya ng kawalan ng aircon at iba pa ay nasolusyunan na sa NAiA 1, 2 at maging sa terminal 3.
Ngunit nagkamali pala ako, talagang dismayado hindi lang ako ngunit ang ilang libo pang pasahero sa sitwasyon sa international flight terminal ng NAIA 2.
Ang haba ng pila ng mga pasaherong gustong gumamit ng kapwa Men and Women restrooms noong Lunes. Ang haba ng pila na akala mo ay may bagong departure na papasok ng terminal imbes na palabas sa tubes.
Sa haba ba naman ng pila akala mo ay may bagong destinasyon na patutunguhan ang mga pasahero sa tuwing tinatawag na ng ground crew ng Philippine Airlines ang mga pasahero.
Iyon pala ay sa restroom ang punta ng lahat dahil dadalawa lang ang gumaganang palikuran.
Talo pa nga ang usad ng pagong sa galaw ng mga nasabing linya patungo sa Male at Female restrooms ng NAIA2.
Naglipana ang reklamo ng mga pasahero dahil nga sa inconvenience dulot ng kawalan ng sapat na toilets.
At hindi maiwasang magtatanong na nasaan na ang P550 na binayad na terminal fee sa NAIA 2 at hindi man lang makagamit ng maayos na toilets ang mga pasahero?
Simpleng problema gaya ng toilet ay hindi man lang magawan ng paraan ng mga opisyal ng NAIA?
Hindi na nakapagtataka kung sa mahabang panahon mananatiling worst airport ang NAIA.
Ngayon talagang it’s more fun in the Philippines dahil ang ating mga turista ay kailangang dumaan sa napakakitid na butas ng karayom bago man lang makagamit ng restrooms sa NAIA 2.